Arestado sa entrapment operation sa Biñan, Laguna ang dalawang binatilyo na hinihinalang pambubugaw ng mga menor de edad online.
Base sa ulat, nahuli ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) ang mga suspek na may edad 18 at 19, sa isang resort noong Biyernes.
Nasa pitong babae naman, anim sa kanila ay mga menor de edad, ang nailigtas.
"May ilang kabataang kababaihan na inaalok sa panandaliang aliw sa Biñan at Sta. Rosa, Laguna. 'Yung mga klase ng serbisyo na inaalok nila, maaaring gawin ang gustong ipagawa sa kanila ng magiging kliyente," ani NBI-AHTRAD chief Olga Angustia.
Sinabi ng NBI na ang impormasyon sa hinihinalang illegal trafficking ay nagmula sa isang non-government organization.
"Ang span ng age nila nasa 15 to 18. 'Yung dalawa naging subject natin or bugaw ay galing lang sa pagiging isang menor de edad 18 to 19, 'yung isa sa kanila buntis pa ng apat na buwan. Ang nakakatakot ay pabata nang pabata ang profile ng nagbubugaw ng kapwa kabataan," ani Angustia.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Bureau of Corrections matapos sumailalim sa inquest proceedings. Mahaharap sila sa mga kasong human trafficking, at paglabag sa Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act.
Samantala, nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na biktima.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment