Nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa tatlong ahensiya ng gobyerno na maging alerto laban sa mga Chinese spy na posibleng makapasok sa bansa kapag hindi hinigpitan ang screening ng mga ito sa pagbibigay ng visa.
Ginawa ng kongresista ang pahayag sa gitna ng umiinit na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea.
Para kay Rodriguez, dapat aniya maging mahigpit sa mga Chinese na nais makakuha ng Philippine visa kahit na sino pa man ang mga ito.
"I am urging the DFA and our diplomatic posts in China to apply these stricter rules on all China's nationals applying for whatever type of visa, whether they are businessmen, tourists, workers, or students," sabi Rodriguez.
Inalerto nito ang mga awtoridad na baka malusutan sila kapag maluwag sa screening ng mga aplikante para sa visa.
"Let us have a more comprehensive and stringent vetting of Chinese visa applicants for the sake of peace and order in the country, and our national security. Let us be on the lookout for Trojan horses among them," ani Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez, maraming pumapasok na Chinese national sa bansa upang magtrabaho subalit marami rin sa kanila ay sangkot sa mga ilegal na gawain.
Ipinunto pa ni Rodriguez ang pangamba ni Cagayan Rep. Joseph Lara sa pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa mga paaralan kung nasaan ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Hinimok niya ang DFA, Bureau of Immigration (BI) at Commission on Higher Education (CHED) na mag-imbentaryo ng mga Chinese student sa bansa.
Ayon sa BI, mayroong 1,516 Chinese citizen na nabigyan ng student visa sa Cagayan noong 2023, samantalang si Lara ay nagsabi na nasa 4,000 ito.
Kahit na sabihin umanong tama ang BI, sinabi ni Rodriguez na "that is still a large concentration of Chinese students in one province. What courses are they taking up there?"
Dapat aniya tukuyin ng CHED kung ilan pang Chinese student ang nasa ibang lugar sa bansa.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment