Naaresto na ng pulisya ang lalaking suspek sa pagpatay sa isang family driver sa naganap na road rage nitong Martes, Mayo 28 sa ilalim ng tunnel sa Ayala Avenue, Makati City.
Iprinisenta sa Camp Crame nitong Miyerkoles, Mayo 29 nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., at Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil kasama si National Capital Region Police Office (NCRPO) Police Major Gen. Melencio Nartatez Jr, ang suspek na si Gerald Raymund Yu, nasa hustong gulang at isang negosyante, na drayber ng kulay itim na Mercedes-Benz.
Ayon kay Marbil, gitgitan lang at walang naganap na hamunan at murahan sa pagitan ng suspek at ng biktimang si Anicieto Mateo, 65, family driver, at nagmamaneho ng kulay puting Toyota Innova.
Pagsapit ng suspek malapit sa southbound lane tunnel ng Ayala Avenue sa Barangay Urdaneta ng nasabing lungsod ay saka pinaputukan ang biktima dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa manibela at mabanggaan ang dalawang motorsiklo sa kanyang unahan.
Sinabi naman ni Abalos na nahirapan ang awtoridad na ma-trace ang kinaroroonan ng suspek dahil ang sasakyang gamit nito ay nabenta na at hindi nairehistro ng pinagbentahan.
Subalit sa pinagsamang aksyon ng kapulisan ng NCRPO ay natagpuan ang sasakyan ng suspek sa Pasig City, naaresto naman ang suspek dakong alas-7 ng umaga.
Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspek.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment