Nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin na epektibo ang appointment ni Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Leo Tereso Magno noon pang Mayo 21.
Sa dalawang-pahinang liham, ipinabatid ni Bersamin sa dating pinuno ng ahensya na si Maria Belen Acosta na ang pagkakasibak sa kanya ay dulot ng 'loss of trust and confidence'.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Bersamin matapos igiit ni Acosta na hindi pa opisyal na nabakante ang posisyon ng MinDA chief at wala aniyang basehan ang pagkaka-terminate sa kanya.
Matatandaang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Magno bilang bagong MinDA chair noong Mayo 13 at nanumpa ito sa tungkulin kay Bersamin noong Mayo 21.
Batay sa argumento ni Acosta, hindi kailanman nabakante ang MinDA chairmanship dahil hindi naman siya tinanggal sa puwesto at wala namang isinampang anumang kasong administratibo o kriminal laban sa kanya.
Subalit ipinaliwanag ni Bersamin sa kanyang liham na ang chairmanship position sa MinDA ay 'confidential and policy determining' kaya't 'valid' ang pagkaka-sisante kay Acosta matapos aniyang mawalan ng kumpiyansa at tiwala sa kanya si PBBM.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment