Isa na namang pulis na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang naaresto at nakumpiskahan na mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa Camarines, Sur nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang suspeek na si P/Cpl Antonio Lagatic Salamanque, 53, may asawa, nakatalaga sa CIDU- QCPD, tubong Iriga City, Camarines Sur at nakatira sa No. 01, Genova St., Gulod, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni Pat Rey Leonard O Daplas ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP DEG), bandang 2:51 ng madaling araw (June 24), nang maaresto ang pulis sa Brgy. Sibujo, Libmanan, Camarines Sur.
Sa report, matapos na makatanggap ng impormasyon sa illegal na aktibidades ng pulis, agad nagkasa ng buy bust ang pinagsanib na mga operatiba ng Special Operations Unit (SOU 5), PNP DEG, at Libmanan Municipal Police Station, ng Camarines Sur Provincial Police Office, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa pulis ang humigit-kumulang 200 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P1,360,000; buy-bust money; mga barili na inisyu sa kaniya ang mga bala.
Nakapiit na ang pulis habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.
Kamakailan lamang, sinibak din ang dalawang pulis na nakatalaga sa CIDU-QCPD na sina S/Sgts. Roland Mansibang at Elmer Potoy matapos maghasik ng tensiyon at takot sa mga residente ng Multinational Village sa Paranaque City, na nagsagawa ng surveillance laban sa isang alyas Mac Mac na sangkot sa umano'y transaksyon na may kinalaman sa loose firearms at illegal droga.
Sa kalagitnaan ng operasyon ay nagpaputok ng warning shots ang mga pulis na nagdulot ng takot sa mga residente.
Sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, nilabag ng mga pulis mula sa QCPD ang standard operating procedures matapos malaman sa imbestigasyon na hindi nila ipinaalam sa kanilang immediate supervisor ang kanilang operasyon.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment