Tuluyan nang idineklarang persona non grata sa buong lalawigan ng Palawan ang mga social media influencers na sina Rosemarie "Rosmar" Tan Pamulaklakin at Rendon Labador.
Batay sa ulat, idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sina Rosmar at Rendon bilang persona non grata sa kanilang regular session nitong Martes, June 18.
Ang deklarasyon ay isinagawa matapos ang isinumiteng resolusyon ni Board Member Juan Antonio Alvarez.
Bukod pa ito sa kahalintulad na hakbangin ng Sangguniang Bayan ng Coron.
Sa kanyang privilege speech, kinondena ni Alvarez sina Rosmar at Rendon dahil sa kabastusang ipinakita habang nasa Coron na aniya'y hindi katanggap-tanggap.
"Hindi porke tumutulong sila ay may karapatan sila na manduro, mambastos, at i-disrespect yung institusyon ng Coron," pahayag ni Alvarez.
Nag-ugat ang lahat nang sugurin ng grupo nina Rosmar at Rendon ang isang staff ng pamahalaang local sa Coron na si Jho Cayabyab Trinidad matapos itong magpost ng pambabatikos sa kanilang grupo.
"Because of that, napagkasunduan ng buong Sangguniang Panlalawigan na i-declare sila as persona non grata not just in Coron but in the entire province of Palawan dahil siyempre kung kaya nilang gawin sa Coron yun, anong makakapigil sa kanila para gawin din sa ibang munisipyo," pahayag pa ni Alvarez.
Naunang nag-sorry sina Rosmar at Rendon sa kanilang nagawa. Sa isang video, humingi ng patawad ang dalawa at sinabing handa nilang tanggapin ang anumang parusa ng Coron sa kanilang nagawa. Anila, tao lamang silang nakakagawa ng pagkakamali.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment