Ipinag-utos ng Philippine National Police – Supervisory Office on Security and Investigation Agency o PNP-SOSIA sa mga security agency ang paghihigpit ng seguridad sa mga establisimento gaya ng mga malls.
Inilabas ng PNP-SOSIA ang memorandum advisory 045-2024 na may petsang June 14 sa kanilang Facebook page bilang pag-iingat umano sa posibleng pananamantala ng mga local terrorist group para maghasik ng kaguluhan.
Pero ayon sa isinagawang media interview kahapon kay PNP – Civil Security Group (PNP-CSG) Spokesperson Police Lt. Col Eudisan Gultiano, wala umanong dapat na ipangamba ang publiko dahil regular itong ginagawa ng SOSIA bilang paalala sa mga security agency.
Dagdag pa ni Gultiano, nagpapaalala lang sila sa mga private security personnel sa mga dapat gawing security measures sa posibleng pag-atake sa mall at iba pang matataong lugar ng mga terorista.
Pinasisiguro din ng SOSIA sa mga security professionals na maging istrikto sa pag-inspeksyon sa mga taong papasok sa loob ng mall at maging mapagmatyag sa paligid at kapag may makitang tao na kahina-hinala ang kilos ay agad itong ipagbigay-alam at makipagtulungan sa PNP.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment