Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpaparami ang gobyerno ng kakampi para mas malakas ang boses sa paglutas sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod ito ng pahayag nito na bukas ang gobyerno sa anumang paraan tulad ng back channel talks, o kaya ay mamagitan ang mga lider, ministerial o sub-ministerial pati na ang pribadong sektor para matigil ang pagiging agresibo ng China sa WPS.
Ayon sa Pangulo, kapag mas maraming kakampi, mas magiging malakas ang boses para sa hangarin na matigil ang karahasan o panggigipit ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard at mga Pilipinong nangingisda sa WPS.
"Tagalugin natin… Marami taong kakampi, Ganun lang kasimple. So, imbes na boses lamang ng Pilipinas, boses ng marami. And that's always important," anang Pangulo.
Wala aniyang hangad ang kanyang administrasyon kundi ang mapayapang kalutasan ng gusot at tensiyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Matatandaang madalas makaranas ng karahasan ang mga barko ng PCG pati na ang mga mangingisdang Pinoy sa WPS mula sa Chinese Coast Guard kung saan ginagamitan ng water canon, laser pointing at iba pang uri ng pangha-harass ang mga ito.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment