Bilang solusyon sa mga karahasan sa lansangan ng pagmamaneho ng motorista dulot ng init ng ulo, isinusulong ngayon ng Quezon City government ang anti-road rage ordinance.
Kasunod ito ng panibagong road rage killing sa Makati City kung saan, nakakabahala na ang lumalaking bilang ng insidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorista.
Bunsod nito, naghain ng ordinansa si Quezon City 5th District Councilor Aiko Melendez upang pabilisin ang pagproseso at mabigyan ng agarang solusyon laban sa mga agresibong motorista na nagiging sanhi ng karahasan.
Ang naturang ordinansa ay iniugnay ni Councilor Melendez sa House bill No. 1511 na nakabinbin pa sa Kamara na layong maging responsable ang mga gun holder sa lungsod.
Ayon kay Melendez, hindi dapat gamitin sa dahas ng mga gunholder at dapat mabigyan ng proteksyon ang mga biktima nito.
Kaugnay nito, kumpiyansa si Melendez maaaprubahan ang naturang panukala na pakikinabangan ng mga QCtizen.
Bukod pa rito, target din ng konsehal na higpitan ang drug test sa mga motorista at mabigyan ng libreng tulong gaya ng psychiatric test.
Samantala umaasa si Melendez, na susuportahan ng iba pang konsehal ang inihaing panukala na makakatulong upang mapababa ang kaso ng krimen sa Quezon City.
Sakaling maaprubahan ang inihaing ordinansa, pagmumultahin ang mga sangkot sa road rage incident na aabot sa P25,000 hanggang P50,000 pero depende pa ito sa pag-uusapan ng mga konsehal sa lungsod.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment