Nag-alok ng P500,000 na pabuya ang kampo ni Datu Odin Sinsuat Mayor Lester Sinsuat para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa nanambang sa kanya na ikinasawi ng kanyang police aide noong Enero 2, 2024.
Ayon kay Sinsuat, inabot ng ganito katagal ang alok nilang pabuya dahil nagsikap muna silang makalikom ng nasabing halaga sa tulong na rin ng kanilang mga kababayan para sa agarang ikareresolba ng kaso.
Nasawi sa nasabing pananambang ang police escort ni Sinsuat na si Police Senior Staff Zahraman Mustapha Dicolano.
Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Col. Jean Fajardo, hindi tumitigil ang pulisya sa pagtugis sa suspek na si Asnawi Limbona, alyas Jojo.
Dagdag nito, hindi lamang lokal na pulisya ang naghahanap sa nagtatagong suspek kundi maging ang iba pang unit ng PNP.
Inamin ni Fajardo na malaking tulong sa imbestigasyon ng pulisya ang reward money dahil tiyak na lulutang para magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.
Tiniyak din ng PNP ang proteksyon ng impormante para sa seguridad nito at kanilang pamilya.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment