Umulan ng bomba sa bubungan ng mga bahay sa Gaza. Ito ang ikasampung salot na sumundo sa lalaking tinatangi ng isa pang lalaki. Kung hindi siya natakot, magdadampi sana ang kanilang mga labi; ipagsisigawan niya sana sa buong mundo ang pagsabog sa kanyang dibdib.
Sa Rafah, nagbubuhol ang salimuot ng sangkabaklaan. May magkasintahang nangangarap na panoorin nang sabay ang paglubog ng araw sa dagat. May babaeng kinasal matapos nilang magkahiwalay ng kanyang kasintahang nakatakas sa Palestina. May isa pang babaeng hindi nasambit ang mga nais niyang sabihin sa isa pang babae, dahil masyado na silang malayo sa isa't isa, dahil masyado nang malawak ang tumpok ng mga bangkay sa pagitan nila.
Sa Maynila, namilipit ang aking sikmura habang binabasa ang kanilang istorya. Bumalik-tanaw sa akin si Jennifer Laude na pinatay ng armadong pwersa ng America, na siya ring nagmamasaker ngayon sa mga tao sa Gaza. Naalala ko ang mga bakla, lesbiyana at transgender na kinukulong at pinapatay ng estado nating makadayuhan.
Dito ko mas napagtanto na narito sa lupa ang tunay na impyerno.
At mula rito, mas naging matingkad sa aking isip na ang pakikibaka nating sangkabaklaan, kasama ang malawak na hanay ng magsasaka at manggagawa, ang lilikha ng langit dito sa lupa. Gamit ang mapangahas nilang armas na kanilang bitbit sa kanayunan, ang mga bagong babaylan ang maghihilom sa sugatang kabundukan, ang hahaplos sa nilasong karagatan, ang tutugon sa mga naghahangad ng hustisya, ang babasag sa huwad na katahimikan. At kapag nakamit na natin ang langit, wala na ang naaagnas at lasug-lasog na mga bangkay, wala nang patagong paghahawakan ng mga kamay, wala nang saloobing kikimkimin, at wala nang pakubling mga halik
No comments:
Post a Comment