Isiniwalat ng intelligence agencies na dumalo sa isinagawang executive session sa Senado kamakalawa na lumalawak na ang mga galamay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil naimpluwensiyahan na nila ang ilang pulitiko at mga enforcements agencies, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Bagaman at hindi maaaring ibigay ang detalye dahil ibinigay ang impormasyon sa isang executive session, sinabi ni Gathalian na kinilabutan siya dahil nakumpirma na ang kaniyang kinatatakutan na lumalalim na ang ugat ng POGO.
Sinabi ni Gatchalian na bukod sa mga pulitiko at mga enforcement agencies ay may mga naimpluwensiyahan na rin sa Bureau of Immigration.
"Kinilabutan ako eh dahil nga na-confirm noong ating mga intelligence agencies yung kinatatakutan natin na lumalalim na itong ugat nitong POGO. Malalim ibig sabihin 'yung kanilang impluwensiya umaabot na sa mga pulitiko, umaabot na sa mga enforcement agencies ng kapulisan, Bureau of Immigration," ani Gatchalian.
Nabanggit din aniya ng mga kinatawan ng intelligence agencies na makipag-sanib puwersa na rin ang POGO sa mga lokal na sindikato.
"At pangatlo mayroon silang binanggit doon mga local criminal syndicates ay nakakasama na nila. Hindi ko ibibigay ang detalye dahil nga executive session in a nutshell 'yung kanilang mga galamay ay kasama na ngayon ang mga local criminal syndicates natin. Hindi malayo 'yun dahil meron din tayong mga local organized crimes. Ayon sa kanila nagkakaroon na ng interactions itong dalawa," ani Gatchalian.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni Gatchalian sa National Security Council (NSC) na iakyat na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu upang ma-ban ang POGO sa bansa.
Maituturing na aniya ang POGO na isang national security threat.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment