Lumutang sa pagdinig ng House Committee on Transportation na walang partikular na batas para sa mga event na tulad ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge (BIMC) kung saan dalawa katao ang nasawi noong Pebrero.
Nalaman na wala rin itong permit mula sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Office (LTO).
Sa pagdinig ng komite nitong Huwebes, Hunyo 12, nagtanong si 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez sa mga kinatawan ng BMW Owners Society of Saferiders (BOSS) kung saan sila kumuha ng permit para sa pagsasagawa ng BIMC noong Pebrero.
"Ano po yung permits that or sino pong government agencies ang involve po dito?" tanong ni Gutierrez.
Sinabi ni BOSS President Joseph Tan sila ay sumulat at nakipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police (PNP).
Hindi naman nakontento ang chairperson ng komite na si Antipolo City Rep. Romeo Acop sa sagot kaya sinusugan nito ang tanong.
"I think the central question Mr. Tan is who gave you the permit or from what agency did you get the permit to conduct such challenge," ani Acop.
Sinabi ni Tristan Diaz, pangulo ng BOSS nang isagawa ang 2024 BIMC, na nakipag-ugnayan sila sa LTO, sa city government ng General Santos kung saan nagsimula ang event, Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at mga provincial government kung saan daraan ang ruta ng challenge.
Ayon kay Diaz, nakipag-ugnayan din sila sa Department of Tourism (DOT) partikular sa Tourism Promotions Board.
Tinanong naman ni Gutierrez ang mga kinatawan ng DOTr at LTO kung mayroon itong ibinigay na permit para sa BIMC at parehong nagsabi ang kanilang mga kinatawan na wala.
Ayon kay LTO Director Francis Ray Almora nakatanggap ng mga reklamo ang ahensiya laban sa BIMC noong nakaraang taon kaya noong Oktubre ay naglabas ito ng desisyon na ipahinto ang pagsasagawa ng naturang event.
Inapela ng BOSS ang desisyon at binaliktad ng LTO ang kanilang naunang desisyon kaya nakapagsagawa ng BIMC noong Pebrero.
Kalaunan, nagtanong si Acop kay Diaz kung ang hiningi ng BOSS sa mga LGU ay permit o suporta lamang. Sinabi ni Diaz na suporta lamang.
Dito nasilip ni Acop ang kawalan ng batas para sa mga ganitong event kaya hindi aniya dapat na ginagawa ang motorcycle challenge lalo pa't walang katiyakan para sa kaligtasan at seguridad ng mga kalahok at ng mga manonood gayundin ng mga sibilyan sa dinaraanan ng event.
ATTY. EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment