Pinakasuhan na ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang lalaking nagsaboy ng asido sa selebrasyon ng taunang "Wattah Wattah Festival" noong Lunes, June 24.
Pinalalantad din ng alkalde ang iba pang biktima ng karahasan sa nangyaring basaan upang makasuhan ang sinumang nanggulo nito lang nakaraang pista ng lungsod.
Ang aksiyon ng alkalde ay makaraang mag-viral ang pagsaboy umano ng isang lalaki ng asido sa mga nambasa sa kaniya ng tubig.
Sinabi ni San Juan City Chief of Police, P/Col. Francis Reglos, habang nagkakasiyahan ang mga residente sa basaan ay dumaan ang isang lalaki na di binangggit ang pangalan sa bahagi ng Aurora Boulevard nang buhusan umano ito ng tubig galing sa kanal.
Ikinagalit umano ito ng lalaki at umalis ito pero pagbalik ay may dala na itong muriatic acid at isinaboy sa nambuhos sa kaniya na tinamaan sa mata.
Agad nagpasaklolo ang biktima sa pulisya dahilan upang agad na maaresto ang lalaki.
Bukod dito, may ilan pa umanong indibidwal ang naaresto ng pulisya na nanggulo umano sa event.
Ayon kay Reglos, mga kasong direct assault, physical injuries, light threats, coersion, unjust vexation at slander ang isasampa laban sa mga nadakip.
Tiniyak din ni Zamora na mananagot sa batas ang lahat ng sangkot sa panggulo at pananakit sa nasabing pagdiriwang na umani ng samu't saring batikos at reaksyon mula sa mga netizens.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment