Sa ideyal at maliit na mundo, sa haba ng taon na gugugulin sa pag-aaral sa akademiya ay marapat lang na humantong sa graduation. Ngunit sa matagalang proseso ng rebolusyonaryong pagbabago, sobra pa ang samu't-saring danas ng pamantasan hanggang sa kasuluk-sulukan ng komunidad upang masabi na walang maniningil ng diploma kung may magpasyang tumahak ng ibang landas ng pag-aaral ng lipunan.
"Baka magaya ka sa kanila dahil puro aktibista sa PUP, maraming estudyante mula riyan ang namumundok at nagiging NPA!" Bata pa lamang ako, ito na ang babala sa akin ng aking magulang at kaanak. Nang tanungin ko noon kung ano ba ang NPA, iba-ibang salita ang inilarawan nila rito ngunit ang kahulugan ay hindi raw sila mabubuting tao. Kaya tumungtong ako sa kolehiyo na bantay-sarado ang aking pagpasok sa pamantasan.
Naging mayaman sa karanasan ang mga taon ko sa kolehiyo. Naranasan ko ang magsimula sa mababang gawain sa mga pang-akademikong aktibidad at estudyanteng organisasyon, hanggang sa maging representante ng aming seksyon at maging bahagi ng pamunuan sa loob ng mga organisasyon.
Dito, nagsimula akong maging pamilyar sa mga kahirapan ng aking mga kaklase—karamihan sa amin ay kauuwi lang galing trabaho na papasok sa klase ng wala pang tulog, at mayroon pa ngang hindi magawang makapasok dahil walang internet at pamasahe o baon. Naranasan ko rin ang magtipid ng pera para makakain nang sapat sa loob ng isang araw na may pasok kami sa klase at hindi kulangin ang pamasahe pauwi dahil sa patuloy na tumataas ang presyo ng mga kakailanganin ko sa arawan.
Gayundin ay nasaksihan ko kung paano ang manggagawa ng komunidad sa loob ng pamantasan ay hindi sinuswelduhan ng regular at kulang pa ang benepisyo. Nakita ko kung paano sila dinaan sa takot para pigilan na bumuo ng organisasyong magdadala ng kanilang hinaing sa administrasyon.
Sa paglabas ko naman ng pamantasan hanggang pag-uwi, makikita ko sa mga kabahayan sa riles, tsuper, manggagawa, manininda, at mangangalakal ang barya sa kanilang mga palad na bilang na bilang hanggang sa huling piso. Ngunit sa kabila nito, pinapauna nila akong sumakay sa jeep kung magkakasabay, aabutin ang aking bayad at sukli. Bibilangin ng aking tatay ang baon ko kinabukasan, at pagsasabihang mag-ingat muli.
Dating gawi. Papasok ako at ang mga bagay at pangyayaring ito ang aking masasaksihan mula sa paglabas ng aking bahay.
Ngunit hindi ko malilimutan ang mga sulat na nakikita kong lumilitaw sa mga sulok ng pamantasan hanggang Pureza at tulay ng Nagtahan tuwing Marso. Minsan ay makikita rin ito tuwing mga huling bahagi ng taon.
"Kabataan, ang lugar mo ay sa kanayunan! Sumapi sa NPA! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!"
Noong tanungin ko sa mga kapwa-estudyante, hindi naman daw totoo ang mga paratang ng estado na nagiging NPA ang mga mag-aaral dito, "Ay, wala akong kilalang PUPian na nag-NPA!" — sasabihin lamang nila. Kaya isang kwestyon sa akin noon kung bakit ganoon na lamang ang babala sa akin tuwing sasabihin ko na ako ay iskolar ng bayan.
Ngunit hindi ito kailanman espesyal na danas lamang ng mga mag-aaral ng Santa Mesa. Sa pagsakay ko ng jeep hanggang Quiapo, patungong Recto, at kahit saan, tiyak ako na alam ng mga taong ito ang sagot sa kahirapan. Hindi lang maiduro, hindi lang mahanap ang tamang mga salita, at hindi lang sustenidong organisado.
Nakita ko at narinig ko sa arawang pagkabilad sa lansangan at komunidad na kinabibilangan ko dahil dikit ang pusod ng Santa Mesa at makasaysayang Mendiola. Sa paglalagi ko rito, nakita ko ang sinasabi ng mga pader sa Santa Mesa at narinig ko ang isinisigaw sa Mendiola.
Ang katotohanan ay hindi lumapit sa akin para kalabitin lamang ako. Bagkus ay ginutom ako ng mismong katotohanan. Tila pang-init pa lalo ng aking kumakalam na sikmura at sumugat lalo sa aking paa na pagod na sa paglalakad. Dahil napagtanto ko na sa raming bigas sa bansa ay nagugutom pa rin ako; ang daming mga pasahero pero naghihirap pa rin ang mga tsuper; ang daming paaralan pero mas maraming bata ang hindi nakakapag-aral; ang daming estudyante ang nagtatapos taun-taon pero bakit marami ang walang trabaho at naghihirap na pamilya; at ang lawak-lawak ng lupain sa Pilipinas pero maraming walang bahay na nakikitira sa tabi ng riles at wala pa ring lupang agrikultural na taniman ang mga magsasaka sa kanayunan; higit sa lahat, kay yaman ng bansa ngunit hindi ang mamamayan nito.
Dito ko naunawaan na lubos nang nagpapakilala ang sistematikong krisis na umiiral sa bansang Pilipinas sa kabila ng pagpapalit ng mga liderato ng republika tuwing halalan. Hindi masagot-sagot ng huwad na usaping pangkapayapaan ang ugat ng kahirapan hanggang ang mismong pag-aaral ko ay pilit na gustong pagkakitaan ng kapitalista at sumusunod sa dayuhang pamantayan.
Hindi ikinataas ng isang pangarap ang maghangad ng panlipunang pagbabago sapagkat nakasalalay ito sa kung paano niya bitbitin kahit saan ang pangarap at mga kaya niyang isakripisyo para makamit ang tagumpay na ito. Mula rito, hitik at humihinog ang mga batayan para piliing pag-aralan ang komunidad na kinagagalawan at militanteng maglingkod sa lansangan hanggang sa pinakamataas na porma ng pakikibaka—sa kanayunan.
Subalit hindi basta umuusbong sa isip ng mga kabataan ang perspektibong lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan para lamang magbagong buhay mula sa pagiging petiburges, o ng masang anakpawis para makatakas sa mga panginoong maylupa, o dahil sa ideolohikong propaganda. Inanak ang kapasyahang ito mula sa obhetibong danas ng materyal na kondisyon ng lipunan at malalim na pagtitiwala sa kawastuhan ng rebolusyon.
Kaya higit lalo na isasandal sa pader ng reaksyunaryo't papet na Republika ang sambayanan dahil gusto nitong ipakita ang dami ng kabataan na tumatahak ng landas ng armadong pakikibaka sa kanayunan upang malaya itong makapanghamak pa at magpatupad ng maka-kapitalistang panukala at batas; ngunit isa lang ang pagkakaunawa rito ng kabataang lapat sa lupa ang pagtingin sa kalagayan ng kaniyang kinapaloloobang lipunan: inaakit lamang nito ang mamamayang Pilipino para yakapin ang pilosopiyang may natatanging sagot upang lutasin ang kanilang suliranin sa lupa at kawalan ng malayang pagpapapasya sa pambansang pag-unlad, at kalaunan ay tunguhin ang armadong pakikibaka sa pagkamit ng sosyalisadong produksyon—ito ang oryentasyon ng Bagong Hukbong Bayan o New People's Army, ang armadong organisasyong kilusang masa sa kanayunan.
Paulanan man ng kasinungalingan, kasiraan, at kataksilan ang hanay ng rebolusyonaryong pwersa, nginig pa rin sa galit ang kalamnan ng estado sa puspusan at matagalang digma na inilulunsad mula kanayunan ng masang nagrerebolusyon dahil sa kumakalam na sikmura at pagkauhaw ng lupang kagagawan ng pagiging malakolonya ng Pilipinas sa imperyalistang Estados Unidos at malapyudal na sistema nito.
Sa kagustuhang pilayin ang rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at ang ligal na labanan sa kalunsaran, hinihila lamang ng estado ang sarili nito pabagsak at pailalim sa kumunoy na kalaunan ay ililibing ng dugo at pawis ng masang anakpawis na naghahangad ng pambansa at demokratikong gobyernong bayan. Hanggang ang katotohanang ito ay hindi mailunok ng estado, walang ibang aral na maibibigay ang kasaysayan kung hindi ang pagbagsak ng gobyernong hindi kumikilala sa kapangyarihan ng masa na labanan ang pinakamataas na yugto na ito ng kapitalismo.
Ang patuloy na pagsuporta ng baseng masa sa ika-55 na taon ng armadong rebolusyonaryong pwersa o BHB ay manipestasyon na ang bansang Pilipinas ay palaging nasa bahagi ng kasaysayan kung saan pinatutunayan na ang natatanging solusyon sa pananamantala at abusong ibinunga ng kolonyalismo sa bansa upang tumungo sa ganap na pambansa at demokratikong bayan ay ang pakikibakang gerilya.
Rebolusyon lamang ang tanging solusyon sa krisis ng lipunan; dahil hindi magtitiis habambuhay ang sikmura na magutom araw-araw.
🖋: Virg Magtira
No comments:
Post a Comment