Sa pagdiriwang ng ikawalong anibersaryo ng arbitral ruling sa isyu ng West Philippine Sea, nanawagan ang Bayan Muna sa mga Pilipino na huwag kalimutan ang mga kandidato na nanahimik sa ginagawang pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Iginiit ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares na ang panalo ng Pilipinas laban sa China ay hindi "scrap of paper" kundi isang tagumpay na nakasaad sa kasaysayan ng bansa.
"Tayo ang nanalo, pero tayo pa ang astang talo. Dapat tandaan ng mga Pilipino ang lahat ng kandidato o public official o mga AFP generals na hindi nagsalita laban sa Chinese aggression nung panahon ni Duterte," sabi ni Colmenares na ang pinatutungkulan ay si dating pangulong Rodrigo Duterte.
"Dahil ngayon ay papapel ang mga yan at popustura na tagapagtanggol ng West Philippine Sea. Public officials should have the guts to criticize the President who is selling out our sovereignty to foreigners. Candidates who did not perform their basic obligation as public officials do not deserve any government post," dagdag pa nito.
Sa naging panalo ng Pilipinas, sinabi ni Colmenares na maaaring pinangunahan nito ang Vietnam, Malaysia, Brunei at iba pang bansa sa ASEAN upang labanan ang nine-dash line ng China.
"But Pres. Duterte, his cabinet members, generals, and top public officials gave away that victory to favor China," dagdag pa ng dating mambabatas.
Nanawagan din si Colmenares kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng isang independent foreign policy at makipag-alyansa sa mga bansa sa ASEAN lalo na ang iba pang inaapi ng China sa halip na magkipagtulungan sa bansa na ang hangad lamang ay ang langis at marine resources sa West Philippine Sea.
"We can't take out one bully and replace it with another bully," punto pa ni Colmenares.
Hinimok din ni Colmenares ang gobyerno na magtaguyod ng isang resolusyon sa United Nations upang magpatupad ng demilitarization policy at buwagin ang lahat ng military installation sa South China Sea.
ATTY. EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment