Nakatutok ang gobyerno sa problema sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pampanga pati na ang talamak na droga sa bansa.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa San Fernando City, Pampanga nitong Biyernes, Hulyo 12, para mamahagi ng tulong ng gobyerno sa mga naapektuhan ng katatapos na El Niño o tagtuyot.
Sa kanyang talumpati, pinawi ng Pangulo ang pangamba ng mga taga-Pampanga dahil sa mga nagaganap na kriminalidad at talamak na ilegal na mga gawain na sumisira sa kapayapaan ng lalawigan.
"Nais kong ipaalam sa inyo na amin pong tinututukan at tinutugunan ang problemang ito. Mayroong ng ginawang task force ang DILG para tutukan ang illegal na gawaing kaugnay ng mga naririnig natin sa mga POGO," pahayag ng Pangulo.
Puspusan din aniya ang pagtutulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs kasama na ang iba pang ahensiya upang matigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Matatandaang sa ginanap na pagsalakay ng mga awtoridad sa POGO hub sa Porac, Pampanga ay natuklasan ang mga torture chamber kung saan dito umano pinaparusahan ang mga manggagawa ng scam farm kapag hindi naabot ang quota ng mga sindikato.
Sangkot din umano ang sinalakay na POGO hub sa iba pang krimen tulad ng prostitusyon at patayan.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment