Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang limang suspek sa planadong pagpatay sa Pampanga beauty queen na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nitong si Yitzhak Cohen.
Ayon sa PNP sa limang suspek, tatlo rito ang inaresto at dalawa ang sumuko na nagbigay ng pahayag hinggil sa pagpaslang sa magkasintahan na ibinaon sa isang quarry site sa Capas, Tarlac.
Kahapon iniharap sa media nina Interior Secretary Benhur Abalos, PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Leo Francisco ang dalawang dating pulis na sina Michael Angelo Guiang, umano'y may utang sa Israeli at Rommel Abuza.
Ang dalawang dating pulis na may ranggong patrolman ay may malaking utang umano sa Israeli dahil nagsanla umano ito ng lupa. Gayunman, sinabi ni Marbil na bagama't may nakikitang motibo ng pagpaslang hindi pa nila masasabing sarado na ang kaso.
"Sa amin nandoon na ang suspek na but, as long na hindi pa napa-file sa court hindi pa ina-accept, we could not say the case solved but on our part nandito na lahat ng ebidensiya,"ayon kay Marbil.
Samantala, aminado sina Abalos at Marbil na masakit sa kanila na dating pulis ang sangkot sa krimen.
Sinabi ni Marbil na ngayong may recruitment ang PNP para sa 1,000 pulis ay magiging mabusisi sila sa screening at selection, papalitan ang training at tanging nararapat na pulis lamang ang kanilang papapasukin sa organisasyon.
Kinumpirma naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, tatlo sa mga naaresto ay may malaking partisipasyon sa nangyaring krimen at planado ang pagpatay sa magnobyo.
Matatandaan na huling nakitang buhay ang mga biktima noong June 21 patungo sa Capas, Tarlac upang tumingin ng bibilhing lupa.
Ilang araw matapos na iulat silang nawawala ay natagpuan ang kanilang bangkay nitong Sabado sa isang madamong bahagi ng quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
Batay sa autopsy reports, si Lopez ay nagtamo ng tama ng bala sa likod at hita habang si Cohen ay binaril sa dibdid at malapit sa kili-kili.
Nilinaw naman ni Yaniv, kapatid ni Cohen na nagpunta ang kanyang kapatid sa Tarlac hindi para bumili ng lupa kundi para kunin ang titulo ng lupa bilang "collateral" sa pinautang nitong pera sa isa sa mga suspek.
Pinaniwala ni Guiang si Geneva na may bibili ng lupa na nakasangla sa kanila kaya nakipagkita rito ang magkasintahan noong June 21.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sa loob ng SUV na sinakyan ng mga biktima pinagbabaril ang magnobyo at saka nakita ang sasakyan na nasusunog na sa may Capaz, Tarlac.
Ayon sa PNP, ang motibo ng pamamaslang sa magnobyo ay ayaw ibigay ni Guiang kay Geneva ang titulo ng naisanla ditong lupa.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment