Hindi umano nakayanan ng konsensya ng isa sa pitong persons of interest na si alyas Jess ang paglilibing sa magkasintahang beauty contestant na si Geneva Sarita Lopez at Israeli national na si Yitshak Cohen dahilan upang tumayo siyang state witness sa kaso at ituro nito ang lugar kung saan ibinaon ang dalawa sa Capas, Tarlac.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Major General Leo Francisco, isang breakthrough ng kaso ang pagpiyok ni alyas Jess, isa sa person of interest ng kaso.
Sa salaysay ni alyas Jess, inupahan umano siyang magmaneho ng isang SUV ng dalawang principal suspect sa krimen na parehong AWOL na pulis.
Laking gulat umano ni Jess nang makitang may dalawang bangkay sa likod ng sasakyan subalit dahil sa takot na madamay ay sumunod na lang umano siya sa utos ng dalawang dating pulis.
Si Jess din ang naggiya kung saan ililibing ang mga biktima at humantong sila sa isang bakanteng quarry site sa bakanteng lote sa Barangay Sta. Lucia, Capas kung saan nila ibinaon ang magkasintahan.
Ayon pa kay Francisco, mayroon silang tatlong anggulo subalit hindi muna niya ito inihayag dahil inaasahan na magkakaroon ng press briefing ang Philippine National Police at Department of Interior and Local Government sa Lunes ng umaga hinggil sa insidente.
Nilinaw naman ni Francisco na bagama't tumayong state witness si alyas Jess ay hindi nangangahulugang lusot na siya sa kaso ng pagpaslang sa beauty queen at nobyo nito.
Titignan pa rin ang laki ng partisipasyon niya sa krimen at kung sakaling lumusot naman siya sa kaso ay maaari din siyang bumahagi sa pabuyang inilaan para sa pagkakatagpo ng mga biktima.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment