Inisa-isa ng Malacañang ang mga dahilan kung bakit hindi pinirmahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang panukalang Philippine National Police Organizational Act na vineto at ibinalik sa Senado.
Base sa pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, may mga hindi malinaw na probisyon ang panukala partikular sa retroactive benefits ng mga opisyal ng PNP na dapat ay maiwasan upang hindi magkaroon ng kalituhan at mapanatili ang implementasyon ng mga patakaran.
Pinapayagan sa panukalang batas ang pagbabago sa sahod ng mga pulis na maaaring magdulot ng pagkakaiba sa mga opisyal, taliwas ito sa kagustuhan ng Pangulo na maging patas at pantay ang kompensasyon sa lahat ng miyembro ng PNP.
Bukod dito, may probisyon ang PNP Reform Bill para bumuo ng mga bagong tanggapan na hindi naman kailangan at maaaring magresulta sa kawalan ng kakayahan, taliwas sa layunin ng administrasyon na gawing simple ang operasyon sa mga ahensiya at institusyon sa halip na gawin itong kumplikado.
"Some parts of the bill are unclear, particularly regarding retroactive benefits for officers. The bill should avoid any confusion and ensure consistent application of rules," ani Bersamin.
Pinuna rin ni Bersamin na nais baguhin sa panukala ang Internal Affairs Service (IAS) na responsable sa pag-iimbestiga sa mga pasaway na pulis at dapat manatiling independent at impartial.
Sinabi ni Bersamin na nananatili ang suporta ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa PNP at tinitiyak na anumang reporma ay dapat na patas at epektibo.
Aniya, patuloy na makikipagtulungan ang administrasyon sa Kongreso upang makabuo ng mas mahusay na batas na magpapatatag sa puwersa ng pulisya at hindi magdudulot ng anumang negatibong epekto.
Si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa ang principal sponsor sa Senado ng naturang panukala.
IKE ENRIQUE - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment