Sinagot ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang naging pahayag ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa na plano umano siyang "i-gang up" ng mga miyembro ng Kamara, kaya't iniimbitahan siyang dumalo sa kanilang pagdinig kaugnay ng madugong "war on drugs" ng administrasyong Duterte.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 28, ibinahagi ni Manuel ang isang pahayag ni Dela Rosa noong Enero 27, kung saan sinabi nitong hindi siya sisipot sa pagdinig ng Kamara dahil hindi rin daw dadalo rito si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at dahil baka "i-gang up" lamang daw siya ng mga "makakaliwang" miyembro ng Kamara.
"Initially, nag-iisip ako kung baka mamaya kung mag-attend si former President Duterte, then mapilitan akong mag-attend talaga dahil I don't want him to face the hearing siya lang. Samahan ko talaga siya. But... have received information na talagang ayaw niya ring pumunta, ayaw niyang mag-attend. So, case closed na. hindi talaga ako pupunta," ani Dela Rosa.
"Expected naman talaga natin 'yan na kapag ano 'no, yung mga lalo na yung mga makakaliwa na mga miyembro ng lower house, ay siguradong they will be ganging up on me... Sino ang nag-file ng resolution, 'di ba?" saad pa niya.
Si Manuel ang siyang naghain ng House Resolution (HR) No.14, na naglalayong siyasatin ang mga kaso ng mga napatay na biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ng "war on drugs" ng administrasyong duterte.
"I did. I filed the resolution. Ako rin, may tanong: Sino naman ang dating PNP chief na pumirma sa memorandum circular na naging batayan ng madugo at anti-mahirap na war on drugs? (Sagot: Iyang senador na ayaw sumipot at nagpapalusot.)," reaksyon ni Manuel sa naturang pahayag ni Dela Rosa.
"Hindi cloak ang pagiging senador para tumakas sa responsibilidad na sumagot sa mga tanong kaugnay ng programang pinamunuan nila ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Besides, sayang ang posisyon niya bilang mambabatas kung tingin niya ay "ganging up" ang layunin ng Kamara kapag nag-iimbita ng mga resource person para sa committee hearings.
Ganun kaya ang mindset niya kapag siya ang may imbitadong resource person sa Senado? Tsk tsk," saad pa niya.
Matatandaang si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang simulan ang madugong giyera kontra droga sa bansa, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment