CITY OF SANTA ROSA, Lag. - Naging mas makulay ang selebrasyon ng ika-20 taon ng Cityhood ng lungsod ng Santa Rosa makaraang isabay na ang ika-25 taong pagdiriwang ng Sikhayan Festival. At gaya ng inaasahan ng marami, sinimulan ang Sikhayan Festival na pinangunahan nila Mayor Arlene at Vice-Mayor Arnold Arcillas kasabay ang espesyal na partisipasyon ni Alden Richards, sa ginanap na parada ng mga kawani ng pamahalaang lungsod, mga iba't-ibang mg barangay, mga kinatawan mula sa iba't-ibang mga pribadong kumpanya, pati na din ang mga NGO at iba pang mga sangay ng pamahalaan.
Hindi kumpleto ang selebrasyon ng Sikhayan Festival kung hindi ito tatampukan ng makulay at puno ng enerhiyang Street Dance Competition, kung saan, sa parada pa lang ay ipinamalas na ng mga kalahok ang makukulay nilang mga kasuotan at mga palamuti. Muling naghatid ng saya sa mga manonood ang nasabing Street Dance Parade, na karamihan ay mga kabataang Rosenians ang naging mga kalahok dito.
Bago sinimulan ang mismong pagpili ng mga pinaka-magaling at pinaka-makulay na mga grupong lumahok, binigyan ng pagkakataon ang panauhin pandangal na makapagbigay ng kanilang pagbati at mensahe para sa selebrasyon ng ika-20 taong Cityhood ng lungsod. Dumalo bilang kinatawan ng pamahalaang panlalawigan si Gobernadora Ruth Mariano - Hernandez. Sa kanyang talumpati, sinabi nito na mahalaga ang mga pagdiriwang ng mga festivals dahil ito ang sumasalamin sa kultura, tradisyon, at kasaysayan ng bawat lugar. Idinagdag pa nito na ang mga ganitong uri ng festivals ay dapat ipinamumulat sa mga kabataan upang magsilbing aral at gabay ng bawat isa upang magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng mamamayan at lokal na pamahalaan. Aniya, dahil dito, naipakita ng lungsod ng Santa Rosa ang balanseng pagkakaroon ng ecological protection kasabay ang paglago ng ekonomiya, industriya, at kabuhayan.
Nagbigay din ng kanyang pagbati si Vice-Mayor Arnold Arcillas sa isa na namang matagumpay na selebrasyon ng cityhood ng lungsod, kasabay na din ang pagdiriwang ng Sikhayan Festival. Aniya, ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa kooperasyon ng bawat Rosenian na matulungan ang lokal na pamahalaan na isakatuparan ang taunang aktibidad.
Ayon naman kay Mayor Arlene Arcillas sa kanyang talumpati, nagpapasalamat ito sa sipag at husay ng nga kawani ng lokal na pamahalaan, sa kanilang dedikasyon at patuloy na pagtutulungan para mapaghanda at mapaganda taon-taon ang selebrasyon ng Sikahayan Festival at ng Cityhood ng lungsod. Nagpasalamat din si Mayor Arcillas sa mga NGOs at mga mula sa pribadong sektor ng komersyo at industriya sa patuloy na pagsuporta ng nga ito upang mas lalong mapaunlad at mapaganda ang lungsod ng Santa Rosa.
Samantalang, bilang espesyal na handog ng lokal na pamahalaan para sa mamamayan, isang libreng concert ang isinagawa ng gabi ng selbrasyon ng cityhood kung saan naghatid ng kasiyahan ang mga guest artist katulad ng mga stand-up comedians, pati na din ang mga kilalang personalidad sa mundo ng entertainment tulad ni Kyla at ng Parokya ni Edgar. Natapos na nasabing concert na nakapaghatid ng kasiyahan sa nga dumalo at pati na din ang mga Rosenians na nanood sa kani-kinalang mga cellphones ng Live na palabas ng pamahalaang lungsod. (Ulat ni: LAARNI BARAIRO)
No comments:
Post a Comment