Hiniling ng Power for People Coalition(P4P) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa kawalan umano ng aksiyon na pigilan ang power industry sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente.
Sa sulat na ipinadala ng P4P sa Pangulo, nagpabaya umano ang ERC sa pagsasagawa ng regulatory rate reset sa distribution utilities, makailang beses umanong na-delay sa imbestigasyon ng power supply agreements at mga isyu sa spot market.
Hiniling din ng grupo sa Pangulo na imbestigahan ang mga kasalukuyan at dating commissioners kung paano ginagampanan ang kanilang trabaho sa ERC.
Sa kanilang ipinadalang sulat, hiniling ng P4P sa Pangulo na imbestigahan at panagutin ang mga tao, institusyon at korporasyon na nag-antala at humadlang para magsagawa ng full regulatory rate reset sa Fourth Regulatory Period o napasong period mula July 1, 2016 hanggang June 30, 2019, at hanggang sa kasalukuyan.
Dahil dito ay patuloy na nakikinabang umano ang ilang distribution facilities sa rate of return/weighted average cost of capital ng 14.9% sa halip na 8.27% lamang.
Nais ng P4P na managot ang mga nasa likod ng pagkaantala ng rate reset para sa National Grid Corporation of the Philippines para sa Fourth Regulatory Period.
Hiniling din ng grupo sa Pangulo na isailalim sa lifestyle checks ang mga commissioner upang matukoy kung may pinapaborang kompanya ang mga ito.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment