Lumabas sa isinagawang autopsy na binaril ng dalawang beses ang katawan ng isang beauty pageant contestant at ang kanyang Israeli boyfriend, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Linggo
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, may tama ng baril ang beauty pageant contestant na si Geneva Lopez sa likod ng kanyang katawan at hita, habang ang kanyang nobyo na si Yitshak Cohen ay may mga putok ng baril sa kanyang dibdib at malapit sa kilikili.
"'Yung babae ay may tama ng bala sa dibdib, sa likod ha, sa likod, lumabas sa dibdib, atsaka sa kanyang paa, sa thigh," aniya.
"Ang lalaki naman ay may tama ng bala sa dibdib, harapan ang entrance, tumagos sa likod atsaka sa bandang kili-kili," dagdag pa nito.
"So tigalawang bala ang tinanggap ng mga biktima," saad ni Santiago.
Sinabi ng direktor ng NBI na kinumpirma ng mga kaanak ng dalawang biktima ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay na narekober sa Capas, Tarlac noong Sabado.
"So natagpuan na nga ang dalawang bangkay at na-identify na ng family. So far nakilala ng family sa kanilang mga kasuotan at mga tatak sa katawan, 'yung mga marka sa katawan," wika pa ni Santiago.
"Decomposing na 'yung body nang makita so kailangan na talagang ma-identify namin na 'yun na nga ang mga bangkay. Isa sa ano ay autopsy," dagdag na sambit ni Santiago.
Matatandaan na huling nakita sina Lopez at Cohen noong Hunyo 21. Pumunta sila sa Capas, Tarlac para tingnan ang isang property na balak nilang bilhin.
Kalaunan ay natagpuan ang mga gamit ni Lopez sa nasunog na wreck ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Tarlac.
Nadiskubre naman ang mga bangkay sa isang bakanteng lote sa loob ng quarry site sa Brgy. Ang Sta. Lucia, Capas, Tarlac noong Sabado ng umaga.
Sabado ng hapon ng kumpirmahin na ang mga bangkay ay kay Lopez at Cohen.
Nasa kustodiya naman na ng pulisya ang dalawang suspek.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment