Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pati ang food security ng bansa ay pinasok na rin umano ng mga Chinese national.
Ito ang Ibinunyag ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz kaugnay sa pag-upa at pamimili umano ng mga kinatawan ng Chinese nationals ng mga lupa ng magsasaka sa Palawan, Nueva Ecija at ilan pang lugar sa bansa na kilalang pinagmumulan ng suplay ng bigas.
May ilang probinsiya ang iniimbestigahan na umano ng PAOCC at nakakuha na sila ng impormasyon sa pag-upa at pamimili ng lupa ng mga magsasaka ng mga kinatawan ng mga dayuhan.
"Hindi lang `yung pagbili ang ginagawa nila. Ang unang ginagawa ay uupahan nila ng P80,000 hanggang P100,000 `yung rice field per hectare. So kung ikaw `yung magsasaka, ito siguradong kita na, `yung isang ektarya mo may upa na ibibigay sayo hindi ka na magtatrabaho," ani Cruz.
Kung pag-aaralan at pag-iisipan aniya ay puwedeng makontrol ng mga dayuhan kung ano ang itatanim. Aniya pa, kung lahat ng taniman ng palay ay inupahan o nabili na, hindi malayong makontrol ng mga dayuhan ang presyo ng bigas sa bansa.
Sinabi ni Cruz na natutuwa ang mga magsasaka dahil hindi na sila mahihirapan sa pagsasaka bagkus ay kumikita sa upa ng mga dayuhan pero kalaunan baka kontrolin na rin ng mga ito ang food security ng bansa.
Sinabi ni Cruz na makikipag-ugnayan sila sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang ipaalam sa mga lokal na pamahalaan ang nangyayari sa kanilang nasasakupan na maaari nilang imbestigahan.
"Maybe matutuwa `yung mga magsasaka natin, but iisipin natin baka later on `pag sila na ang may hawak ng mga lupa, `yung mga dayuhan na `yan, baka makontrol na nila `yung food security natin baka `yung presyo ng bigas na pinapangarap ng ating Pangulo na ibaba ay lalo nilang makontrol at makadagdag pa sila sa problema," ayon kay Cruz.
ARVIN SORIANO (Ll.B) – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment