Dalawa pang puganteng dayuhan ang nadakma ng Bureau of Immigration (BI) alinsunod sa patuloy na operasyon ng ahensiya laban sa mga dayuhan na ginagawang taguan ang Pilipinas para makaiwas na maparusahan sa ginawa nilang krimen sa kanilang mga bansa.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, hinuli ang puganteng Intsik at Amerikano sa magkahiwalay na operasyon ng fugitive search unit ng BI sa Parañaque at Las Piñas.
Ani Tansingco, naglabas siya ng mission order para sa pag-aresto sa dalawang dayuhan sa kahilingan ng mga gobyerno ng China at US na humingi sa kanila ng tulong para mahanap ang mga ito.
Sa ulat, nadakip ang Chinese na si Deng Hongfu, 32-anyos, sa kahabaan ng C. Santos St. sa Barangay Tambo, Parañaque City bunsod ng warrant mula sa public security bureau sa Chibi City, China dahil sa ilegal na pagbebenta ng mga stock mula noong 2018.
Nasa wanted list din ito ng BI noong unang bahagi ng 2024 dahil sa pagiging undesirable alien.
Dumating siya sa Pilipinas noong Marso 8, 2019 at hindi na umalis mula noon.
Samantala, inaresto ang Amerikano na si Mark Andrew Baldwin, 50-anyos, sa kanyang tirahan sa Angela Village, Barangay Talon Kuatro sa Las Piñas City.
Ayon sa US Embassy, may arrest warrant si Baldwin mula sa superior court sa Cherokee county, Georgia matapos siyang kasuhan ng gun possession ng isang convicted felon.
Nakakulong ngayon ang dalawang pugante sa BI warden facility sa Taguig City habang nakabinbin ang mga paglilitis sa kanilang deportasyon.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment