Kinalampag ni Senate Minority Leader Aquilino 'Koko' Pimentel III si Sen. Robin Padilla na apurahin na ang pagdinig sa succession bill sa Senado.
Ginawa ni Pimentel ang pahayag matapos maging isyu ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi siya dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. at itatalaga na lamang ang kanyang sarili bilang 'designated survivor'.
Ayon sa senador, walang 'designated survivor' sa Pilipinas kundi 'designated successor' lamang sakaling mamatay o maging incapacitated ang Pangulo ng bansa.
Ani Pimentel, ang line of succession sa Pilipinas, alinsunod sa 1987 Constitution ay hanggang sa House Speaker lamang at walang binabanggit kung sino ang uupong presidente ng bansa kung ang apat na pinakamataas na opisyal ay sabay-sabay na namatay.
May nakahain na umanong panukalang batas sa Senado tungkol sa line of succession mula sa House Speaker pero nakatengga lamang ito sa komite ni Sen. Padilla.
"'Yung panukalang iyan, 'yung bola na iyan nasa kamay na ni Sen. Robin Padilla. Kailangan i-technical working group na niya iyan," giit ni Pimentel sa isang radio iterview.
Sinabi ni Pimentel na isa siya sa nasorpresa sa pagbanggit ni VP Duterte sa designated survivor kaya napapanahon nang umusad ang panukala sa sucession.
Nakapaloob sa panukala ni Pimentel na pagkatapos ng House Speaker, ang secretary ng Department of Foreign Affairs ang susunod at pagkatapos nito ay ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
IKE ENRIQUE - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment