Maaari naman ang doktor ng Senado ang sumuri sa mental health ni suspended Bamban Mayor Alice Guo kung wala itong makuhang doktor na titingin sa alkalde.
Ito ang sinabi ni Senate President Francis 'Chiz' Escudero sa ihayag ni Atty. Stephen David, legal counsel ni Guo, na tumatanggi ang mga doktor na isyuhan ng medical certificate si Guo dahil natatakot na maipatawag sa Senado.
"Kung walang makuhang pribadong doktor na duda ako doon, may doktor ang Senado na pwede silang magpatingin doon na pwedeng o padalhan ng Senado para tignan at tiyakin ang kalagayan ng kaniyang kalusugan at na siya ay healthy nga ba o hindi na mag-attend ng hearing base man sa kaniyang metnal o physical," sabi ni Escudero sa panayam ng mga reporter.
Subalit kung medical reason ang dahilan ni Guo sa hindi niya pagdalo sa susunod na pagdinig ng Senado sa Miyerkoles, sinabi ni Escudero na kailangan niyang magprisinta ng medical certificate para dito.
"Katulad ng ibang dahilan o rason na may kinalaman sa kalusugan kailangan magpresenta ng medical certificate na magbibigay ng sapat na dahilan para hindi dumalo sa pagdinig, tinatanggap naman yan ng Senado kung ito ay may basehan," saad ni Escudero.
Dagdag pa niya, kailangang humarap ni Guo sa pagdinig dahil mayroon nang subpoena na ipinadala sa kaniya.
"Kapag nag-isyu ng subpoena 'yan ay under compulsion of law na tinatawag, ibig sabihin wala sa kapasyahan niya kung siya ay mag-aattend o hindi, kapag ka nag-isyu ng subpoena, ang husgado man, o ang kongreso obligado ang testigo na sundin at sundan ito," sabi pa ni Escudero.
"So hindi ako kumakatig sa kaniyang sagot o sagot ng kaniyang abugado na desisyon nila 'yan at call nila 'yan. Hindi nila call o desisyon yan kapag nag-isyu na ng subpeona ang komite."
"At kung hindi sila dadalo, nasa kamay ni Sen. Risa [Hontiveros] kung siya ay magre-request kung ma-issue ng warrant or arrest para sila ay pwersahang padaluhin sa pagdinig ng Senado at pipirmahan ko ang warrant of arrest na 'yon kapag nireqest ni Sen. Risa," saad pa ng Senate President.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment