Dedma pa pala si Paris Olympic double gold medalist Carlos Yulo sa P5 million incentives ni former Ilocos Gov. Chavit Singson. Kapalit nga ng P5 M ang pakikipag-ayos ni Carlos sa kanyang pamilya.
Kaya ang hamon ng pulitiko / negosyante, "Ipakita mo na role model ka," nang makausap ng entertainment media sa grand opening ng 11th branch ng BBQ Chicken resto sa Festival Mall, Alabang kahapon.
Nauna nang nakausap ng dating pulitiko ang pamilya ni Carlos. "Sampu lahat sila. Nanay, tatay niya, mga kapatid niya. 'Di na raw nila makontak. So nakiusap ako kay Caloy kung marinig man niya, pamilya mo muna dahil wala ka naman dyan kung hindi sa kanila. So ako, hindi sa nakuha mong gold kako, 'yung ibibigay kong 5 milyon dagdag lang sa pamilya n'yo, sa'yo rin. Pero gusto kong magbati silang pamilya," paliwanag pa ni Mr. Singson.
Dagdag niya pa, ipakita rin ni Carlos bilang isang idolo na importante ang pamilya. "Walang maka-contact sa kanya, eh. Pero kinu-contact ko na siya kaya nakikiusap ako kay Caloy na ipakita niya na ngayon champion siya, naka-gold, ipakita niya na siya ang ano, role model, of the family. Eh, 'di maganda 'yung pinapakita niya kung hindi siya makipag-reconcile sa pamilya," dagdag pa ng dating gobernador.
Kilalang tagasuporta ng mga atletang Pinoy tulad ng world boxing champ na si Manny Pacquiao, ang pinaka maipapayo raw niya kay Caloy ay, "Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin 'yon ng Diyos, respect thy father and thy mother."
"At inulit niya muli ang pakiusap kay Caloy: "Caloy kung nakikinig ka man, nakikiusap ako, kausapin mo pamilya mo, 'wag mo na sila pahirapan dahil 'yang gold na nakuha mo, hindi lang para sa 'yo kundi para sa lahat, specially your family. Wala kang pinanggalingan kung hindi sa mga family mo. Kung ano ang mga nangyari, patawarin mo na sila. Bilin din ng Diyos 'yan, forgive your… Magbati lang sila, okay na, bigay ko sa kanya P5 million," pahayag pa ng dating governador na nagsabing naawa siya sa ama ni Caloy nang mapanood itong kahalo ng mga fans sa parada.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment