Ibinunyag ni Police Lt. Colonel Jovie Espenido na mayroong umiiral na quota at reward system sa Philippine National Police sa ilalim ng 'war on drugs' ng nakaraang Duterte administration.
Sa affidavit na isinumite ni Espenido sa House Quad Committee at sa pagharap sa pagdinig nitong Miyerkoles, kinumpirma niyang nagpataw ang liderato ng quota na limampu hanggang isandaang indibidwal na inakalang ang ibig sabihin ay kakatok lamang sa tahanan ng mga hinihinalang gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga.
Ninais ni Espenido na ipatupad ang war on drugs ng walang namamatay, at ang misyon ay sumuko ang drug suspects at isailalim sa rehabilitasyon kaya walang naitala sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Albuera at Bacolod.
Ibinunyag ni Espinido na ang pabuya ay nasa P20,000 sa bawat mapapatay na indibidwal sa drug war, at ang pondo ay galing sa Small-Town Lottery o jueteng lords na nagbibigay ng pera sa provincial at regional police commanders.
Ibinahagi rin ni Espenido na si noo'y PNP Chief ngayo'y Senador Ronald "Bato" Dela Rosa ang nagpatawag sa kanya upang italaga sa Ozamiz City bilang hepe dahil sa pagiging matapang.
Ang instruction, aniya, ni Dela Rosa ay buwagin ang mga sindikato ng ilegal na droga kasama na ang Parojinog group, kungsaan ginamit ang mga salitang "neutralize" at "eliminate" anuman ang pamamaraan.
Dagdag pa ni Espenido, direkta siyang nagre-report kay Dela Rosa at mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment