Hindi sana nagkaroon ng dahas sa pagsilbi ng arrest warrant kay Apollo Quiboloy kung sumuko na noon pa sa Senado o sa korte ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ayon kay Senadora Risa Hontiveros.
"This is all because of Apollo Quiboloy. Hindi aabot sa ganitong kaguluhan kung simula't sapul palang ay nagpakita na siya sa Senado o sa korte," sabi ni Hontiveros.
Nauna nang naglabas ang Senado ng arrest order laban kay Quiboloy dahil sa patuloy nitong pag-isnab sa imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabuso sa mga dating miyembro ng KOJC.
Maging ang Kamara de Representantes ay may arrest order din sa hindi pagharap ni Quiboloy sa pagdinig ng mga kongresista ukol sa mga paglabag ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa prangkisa nito.
Si Quiboloy ay nahaharap rin sa kasong human trafficking sa Pasig court at paglabag sa Section 5(b) of Republic Act 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act and under Section 10(a) sa Davao court.
Sa kabila nito, nanawagan si Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) na siguruhing walang mangyayaring karahasan sa pagtupad ng kanilang tungkulin na magsilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy.
"Walang mamamayan ang dapat masaktan sa proseso ng pagdakip kay Quiboloy. Our law enforcers must practice maximum tolerance. Nanawagan ako ng hinahon mula sa kapulisan at sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ," ayon kay Hontiveros.
"Quiboloy, matatapos ang lahat ng ito kung magpakita ka na sa publiko," sambit pa niya.
BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment