Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na magkakaroon na rin ng kauna-unahang animal shelter at clinic ang lungsod ng Maynila at ito ay sa isang buwan na magaganap.
Kaugnay pa nito, sinabi ng lady mayor na ang pamahalaang lungsod ay nakakita na ng lugar kung saan ilalagay ang planong pet cemetery.
Ginawa ni Lacuna ang pahayag makaraang pangunahan niya ang lungsod sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Señor San Roque na patron ng mga aso, noong August 16.
Nabatid na ang lady mayor, ay isa ring fur parent kung saan mayroon siyang alagang 13 aso.
Nabatid na ang unang animal shelter at clinic ay ilalagay sa Vitas, Tondo at magkakalpob ng libreng serbisyo para sa mga cat and dog owners na pawang residente ng Maynila. Ito ay first come, first served basis.
Sa kasalukuyan, ang free anti-rabies vaccines ay ibinibigay sa mga alagang hayup sa buong lungsod.
Kaugnay pa nito, ibinahagi ni Lacuna na ang lokal na pamahalaan ay magsasagawa ng programa na magbibigay sa lahat ng mga interesado na magsanay at matuto ng proper grooming sa mga alagang hayup.
Sa ganitong paraan, hindi lamang nila maaalagaan ang kanilang alagang hayup , magkakaroon pa sila ng pagkakataong magkaroon ng extra income.
Ang pet cemetery naman ay ilalagay sa Manila South Cemetery kung saan maaaring ilibing ng mga fur parents ang kanilang yumaong alagang hayup.
Idinagdag ni Lacuna na base sa plano, maglalagay din ng crematorium sa parehong sementeryo kung saan maari ding dalhin ang mga alagang hayup para i-cremate..
Ayon kay Lacuna, kinausap na niya si Vice Mayor Yul Servo at sa kanyang kapasidad bilang Presiding Officer ng Manila City Council, upang plantsahin na ang mga detalye pati na ang operational guidelines para sa nasabing clinic, cemetery at crematorium dahil kailangang ito ang siyang maging laman ng ordinansa.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment