Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang tumestigo sa Kamara de Representantes at isinangkot sina Senador Ronald "Bato" dela Rosa at Christopher "Bong" Go sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo "Digong" Duterte.
Sa pagdinig ng quad committee nitong Miyerkoles kaugnay ng bentahan ng ilegal na droga, extrajudicial killings sa implementasyon ng war on drugs at kaugnayan nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sinabi ni Police Colonel Jovie Espenido na kasama umano ang pagpatay sa mga drug suspect sa utos ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Dela Rosa sa pagpapatupad ng war on drugs ng Duterte administration, partikular ang Oplan Tokhang.
"Ang instruction lang, na tulungan mo ako Jovie, at saka si President Duterte, about this war against illegal drugs, so dapat galingan mo ah, ikaw ang i-assign ko as chief of police ng Albuera, so dapat mawala na 'yong mga drugs sa Albuera.' So your honors, 'yon ang natandaan ko," sabi ni Espenido tungkol sa utos sa kanya ni Dela Rosa.
Matatandaan na napatay si Albuera Mayor Rolando Espinosa habang nakakulong sa Baybay City Provincial Jail noong Nobyembre 5, 2016.
Ayon kay Espenido kahit na nabuwag nito ang sindikato na pinamumunuan ni Kerwin Espinosa, anak ni Mayor Espinosa, ay sinuspinde pa siya ng isang buwan at inakusahan na tumatanggap ng lagay mula sa bentahan ng ilegal na droga.
Hindi nagtagal ay itinalaga si Espenido bilang hepe ng pulisya sa Ozamiz City upang i-neutralize o iligpit si Ozamiz City Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog.
Kinausap pa umano niya si Mayor Parojinog sa loob ng Baptist Church na sumuko na lang pero nang hindi ito ginawa, ang sumunod niyang hakbang ay ginagulad ang bahay nito noong madaling-araw ng July 30, 2017, kung saan 16 katao ang namatay, kabilang ang alkalde at ang asawa nito.
"Chief Bato and President Duterte arrived shortly thereafter to congratulate our unit for the successful raid. The Parojinogs had been neutralized. We were even awarded a plaque of recognition," wika ni Espenido sa kanyang affidavit.
Ang reward money na ibinibigay umano sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspects ay galing sa intelligence funds at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ibinababa mula sa lebel ni Sen. Bong Go.
"Even intelligence funds were used in the drug war. POGO mone¬y was also used. After these POGOs were able to register with the government, funding was funneled downward from the level of Bong Go," sabi ni Espenido sa kanyang affidavit.
Kinumpirma rin ni Espenido na mayroong quota at reward system sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspects. Mariin namang itinanggo ni Dela Rosa sa testimonya ni Espenido sa Kamara.
"O, anong masama pala nito kung i-neutralize ang drugs? We have to neutralize the drug problem, 'di ba? Bakit, sinabi ko bang patayin 'yung tao? Wala naman akong sinabing patayin 'yung tao," pahayag ni Dela Rosa panayam ng mga reporter.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment