Nauwi sa kapahamakan ang pakikipag-eyeball ng isang Vietnamese sa chatmate niyang Chinese nang gahasain ito at tangayin pa ang kanyang naipon kamakailan sa Paranaque City.
Bunga nito'y nagsampa ng kasong robbery with rape ang Parañaque City Women and Children's Protection Desk (WCPD) laban sa dalawang Chinese national na umabuso sa biktimang Vietnamese noong Linggo.
Kinilala ng mga miyembro ng Parañaque City Police Tambo Police Station ang mga suspek na sina Junsong Lu, 30, at Xinzhi Sui, 26, kapwa residente ng Pixel Residences, Bradco Avenue, Barangay Tambo, Lungsod ng Parañaque.
Sinabi ng Southern Police District (SPD) na nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga noong Agosto 24 sa loob ng isang kwarto ng isang resort at casino sa Barangay Tambo, Lungsod ng Parañaque.
Ayon sa biktima, na ka-chat ni Sui, pumayag siyang makipagkita sa huli sa unit ngunit bigla siyang hinaltak, tinakpan ang kanyang bibig ng tuwalya, at ginahasa.
Samantala, pinilit ni Lu na buksan ang kanyang cellphone gamit ang Face ID feature nito.
Nakatakas lang ang biktima mula sa pagkakagapos nang umalis ang mga suspek sa kuwarto at agad na humingi ng tulong sa mga security personnel ng building, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Sa isinagawang imbestigasyon, doon na nadiskubre ng biktima na bukod sa hinalay na siya'y kinuha pa ng mga suspek ang halagang P184,000 mula sa kanyang ipon.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment