Inatasan ng Malacañang ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at tatlong iba pa matapos mapaulat na nakalabas na ang mga ito sa bansa sa harap ng mga kasong kinakaharap sa korte.
Sa sulat na ipinadala ni Executive Secretary Lucas Bersamin kina DFA Secretary Enrique Manalo at Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may petsang Agosto 20, 2024, inatasan nito ang dalawa na kanselahin na ang pasaporte ni Guo, na natukoy ring Chinese national sa pangalang Guo Hua Ping, mga kapatid na sina Wesley Leal Guo, Sheila Leal Guo at Katherine Cassandra Li Ong.
Sinabi ni Bersamin na batay sa report, pumuslit si Guo palabas ng Malaysia at dumiretso sa Singapore kung saan nagkita sila ng kanyang pamilya at bumiyahe sa Indonesia.
Tinakasan aniya ni Ong ang mga kasong isinampa sa kanya gaya ng qualified trafficking at iba pang kaso na nag-uugnay sa kanya sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators, at ang pagtanggi nito na humarap sa imbestigasyon ng Senado sa kabila ng inisyung warrant of arrest.
Binigyang-diin ni Bersamin na sa ilalim ng Republic Act no. 11983 o ang New Philippine Passport Act, maaaring kanselahin ng DFA ang isang pasaporte lalo na kung nakasalalay dito ang interes ng pambansang seguridad.
Isa aniya sa batayan ng kanselasyon ng Philippine passport ay kung ang isang tao ay wanted sa batas.
"Given the foregoing and in the interest of justice, this Office hereby directs that appropriate action be taken for the cancellation of the Philippine passports of Guo, her family, and Ong," anang sulat ni Bersamin.
Nakasaad sa sulat ng Executive Secretary ang detalye ng Philippine passports nina Guo at mga kapatid kasama si Ong, gaya ng passport number at expiration date ng kanilang mga pasaporte.
Samantala, kinumpirma ng Bureau of Immigration na nasa Indonesia na si Alice Guo. Dumating umano siya sa nasabing bansa halos isang buwan makaraan ang pag-alis niya sa Pilipinas.
"Sa atin pong pagbantay sa mga counterpart intelligence information, nalaman natin nasa Indonesia ngayon. Tumawid siya from Singapore the other day, August 18," saad ni BI spokesperson Dana Sandoval sa isang radio program.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment