Nagpahayag ng pagkabahala isang telecommunication company sa resulta ng isang consumer survey kung saan lumabas na talamak sa Pilipinas ang pirated content at pangalawa ang bansa sa Asia-Pacific sa dami ng mga paglabag sa intellectual property rights.
Lumabas kasi sa YouGov consumer survey na 70 porsiyento ng populasyon sa Pilipinas ang gumagamit ng pirated content sa pamamagitan ng online streaming ngayong taon.
Mas mataas umano ito ng 58 porsiyento kumpara sa naitala noong 2023 at ang Pilipinas ang "second highest" sa Asia-Pacific Region.
Sa Vietnam naitala ang pinakamataas na "consumption" ng pirated content na nasa 71 porsiyento.
Nasa 92 porsiyento umano ng mga Pinoy na tinanong sa survey ang nagsabi na alam nila ang panganib na dulot ng pamimirata ng content subalit ginagawa pa rin nila ito dahil libre.
Ipinahayag naman ni Yoly Crisanto, Sustainability and Corporate Communications Officer ng Globe, na sobrang nakakabahala ang resulta ng survey at ipinapakita lamang na kailangan palakasin pa ang pagpapatupad ng mga batas laban sa piracy.
Hiniling pa nito na amiyendahan ang Intellectual Property Code of the Philippines upang payagan ang site blocking laban sa pirated content.
Isinagawa umano ang survey sa pamamagitan ng Asia Video Industry Association (AVIA) Coalition Against Piracy (CAP).
FAITH N. DINGLASAN – GLOBAL NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment