Bumuti ang trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. habang bumaba naman ang numero ni Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakahuling resulta ng OCTA Research survey.
Sa inilabas na survey nitong Martes, Agosto 27 sa ikalawang quarter ng Tugon ng Masa (TNM), nasa 71% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nagsabing nagtitiwala sila kay Marcos, na 2% na mas mataas kaysa sa 69% na naitala sa unang quarter.
Bumaba naman ng tatlong puntos ang trust rating ni Duterte mula 68% na naging 65%.
"It must be noted that this is the second consecutive quarter that Duterte experienced a decline in her trust ratings, continuing the slide since the 4th quarter TNM survey conducted last December 2023," anang OCTA.
"It is also noted that this is the first time [Marcos] has registered a higher trust and performance rating than Vice President Sara Duterte-Carpio based on TNM surveys in the last three years," dagdag pa ng OCTA .
Samantala, humigit-kumulang 68% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nasiyahan pa rin sa performance ni Marcos, mas mataas ito ng 3% kaysa sa 65% na naitala noong nakaraang quarter.
Para naman kay Duterte, bumaba ang kanyang performance rating sa 60% mula sa 64%.
"It is noted that this is the second consecutive quarter in which her performance ratings recorded a decline," anang OCTA .
Nakatanggap si Marcos ng kanyang pinakamataas na trust at performance ratings sa Balance Luzon na may 80% at 74%, ayon sa pagkakasunod, habang ang kanyang pinakamababang trust at performance ratings ay sa Mindanao na may 56%.
Samantala, nakakuha naman si Duterte ng kanyang pinakamataas na trust at performance ratings sa kanyang Balwarteng Mindanao na may 95% at 92%, ayon sa pagkakabanggit, habang ang kanyang pinakamababang rating ay nasa Balance Luzon na may 52% at 42%.
Ayon sa socio-economic class, natanggap ni Marcos ang kanyang pinakamataas na trust at performance ratings mula sa mga adult Filipino na kabilang sa Classes ABC na may 74% at 71%, ayon sa pagkakasunod, habang ang kanyang pinakamababang rating ay mula sa Class E na may 66% at 64%.
Hindi tulad ni Marcos, nakuha ni Duterte ang kanyang pinakamataas na trust at performance ratings mula sa Class E na may 68% at 65%, ayon sa pagkakasunod, habang ang kanyang pinakamababang rating ay mula sa Class ABC na may 64% at 56%.
Isinagawa ang snaturang survey mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5, 2024 at ginawa sa pamamagitan ng face-to-face na panayam sa 1,200 lalaki at babaeng respondent na may edad 18 taong gulang pataas.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment