Lubhang nakababahala ang malaking pagbaba ng bilang ng mga kadidato para sa 2024 Student Council Elections (SCE), kung saan ay sa mahigit 40,000 na Iskolar sa PUP Main Campus ay tinatayang nasa 123 lamang ang nagpasa ng kanilang kandidatura, higit na mas mababa ng 27.65% noong nakaraang taon at pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.
Sa datos na inilabas ng PUP SC Commission on Elections (COMELEC), 200 ang nagpasa ng kanilang kandidatura noong 2021, na sinundan ng 129 na estudyante noong 2022, higit na mababa ng 35.5% kumpara sa nakaraang taon. Samantalang noong 2023 ay tinatayang nasa 170 ang sumubok na tumakbo para sa mga posisyon sa student council, na nagpakita ng 31.79% na pagtaas kumpara sa 2022, na siyang bumaba naman ngayong taon ng 27.65% sapagkat 123 lamang na lider-estudyante ang nag-file ng kanilang kandidatura.
Sa Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) nangangailangan ng 12 na konsehal ngunit walo lamang ang nagpasa ng kandidatura na siyang nag-iwan ng apat na bakante para sa posisyon. Mababa rin ang kandidatura para sa konsehal ng mga lokal na konseho sa karamihan ng mga kolehiyo na siya ring nagreresulta ng mga maraming pagkabakante ng posisyon.
Kita rin ang nakababahalang pagbaba ng bilang ng mga kandidato maging sa PUP Sta. Rosa Campus, sa humigit kumulang na 3,700 na iskolar ay nanatiling bakante ang ilang posisyon matapos ang mahigit na dalawang buwan na pagpasa ng kandidatura, batay ito sa kolumn ng Tanglaw, opisyal na publikasyon ng SRC, na siyang muling ibinalik matapos ipabura ng admin ang nasabing artikulo.
Samantalang nananatili pa rin ang malantang tunggalian sa halalan sapagkat matagal na ring nananatiling walang kalaban ang partidong Sandigan ng mga Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA) PUP sa pagtakbo sa karamihan ng mga lokal na konseho lalo na sa sentral na konseho.
Ayon naman sa PUP SC COMELEC, isa sa maaring dahilan kung bakit mababa ang bilang ng kandidato ay sa kadahilanang ang pagsali sa SC ay isang mahirap na hakbang lalo na sa harap ng hamon na balensihin ito sa mga akademikong, panlipunan, at personal na mga tungkulin. Gayunpaman, naniniwala rin ang Komisyon na sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng komunidad ng PUP, epektibong naitutugon ang mga hinaing at tunay na nare-representa at naipaglalaban ang iba't ibang pananaw at interes ng buong kaestudyantehan.
Samakatuwid, ang kapansin-pansing pagbaba sa bilang ng mga kandidato na tumakbo para sa iba't ibang posisyon sa student council, pati na rin ang maraming posisyon na nananatiling bakante dahil sa kakulangan ng mga kandidato, ay naglalantad ng isang natatanging hamon para sa komunidad ng PUP, na siyang nangangailangan nang masusing pagtingin at solusyon upang matiyak ang patuloy na representasyon at pagsasaalang-alang ng mga interes ng bawat estudyante sa loob ng pamantasan.
Ang mababang bilang ng kandidato ay maaaring magbunga ng paghalal sa mga lider-estudyante na bagamat kwalipikado, ay maaaring hindi ang pinakamahusay at nahalal lamang dahil sa walang pagpipilian, na magdudulot ng kakulangan sa representasyon ng iba't ibang interes at pananaw ng estudyante. Ito rin ay naglalantad ng kakulangan ng interes at engagement sa student leadership, na nagdudulot ng pag-aalala sa hinaharap ng pamumuno sa kampus.
Hamon ito sa mga libo-libong Iskolar ng Bayan na mas palakasin pa ang kampanya para paghikayatin ang mahalagang aktibong pakikilahok sa halalan upang masiguro ang epektibong representasyon at pag-unlad ng komunidad ng mga Iskolar ng Bayan. Repleksyon ito na nagpapakita ng mahalagang pangangailangan para sa mga tapat na Iskolar ng Bayan na sumulong sa hamon na makiisa sa pagpapalawig ng atensyon ng mga may kakayahan at may malasakit na indibidwal na maghatid ng positibo at makabuluhang pagbabago sa loob at labas ng pamantasan.
"Student leaders are the voices of the Iskolar ng Bayan, driving meaningful change and advocating for the needs of all. We urge every Isko and Iska to recognize the importance of leadership in shaping a better and more inclusive campus environment," pahayag ng PUP SC COMELEC.
Sa kabila nito ay nagsimula na rin ang general campaign period para sa 2023 SCE noong Setyember 9 na magtatapos sa Setyember 18. Magaganap naman ang Miting de Avance para sa lokal na konseho sa Setyembre 14-17, at Setyembre 18 naman para sa sentral na konseho. Magtatagal naman mula Setyembre 19-23 ang pagboto.
✒️: Grace Villena
🎨: Jenevy Napal
No comments:
Post a Comment