Posibleng "trained and smart foreign spy" ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Sinabi ito ni dating Senador Panfilo "Ping" Lacson kung pagbabatayan aniya paano pasakayin o paikutin ni Guo ang mga mambabatas sa pagdinig ng komite ni Senador Risa Hontiveros.
"The way Guo Hua'ping a.k.a Alice Guo was taking the senators for a ride during the hearing, she could be a trained and smart foreign spy who had already started to climb the ladder of the country's political structure as an elected municipal mayor," pahayag ni Lacson sa X (dating Twitter).
Kung hindi nabuking, sinabi ni Lacson na posibleng naging miyembro pa ng Kongreso si Guo at magkakaroon ito ng access sa mga highly classified information na may kinalaman sa pambansang seguridad.
Marami pa aniyang posibleng mangyari kung hindi ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ni Guo.
"Had PAOCC not exposed her illegal activities, what if, in the long term, she and her handlers, using money and/or influence, manage to get her appointed as DND secretary or National Security Adviser?" ani Lacson.
"Paktaylo na tayo!" ayon pa kay Lacson.
Nagbabala naman si Hontiveros na hindi dapat magpauto at magpabola kay Guo sa halip ay magpokus sa kanilang layunin na makabuo ng kinakailangang batas upang matuldukan ang mga ilegal na aktibidad na kinasangkutan ng sinibak na Bamban mayor.
"Huwag nating kalimutan na ang pangunahing layunin ay pagpapaganda ng ating mga batas at polisiya," ani Hontiveros.
Binanggit ng senador ang kapalpakan sa mga polisiya ng gobyerno tungkol sa birth registration, border control, cybercrime, at iba pang ilegal na aktibidad.
"Kahit anong pagpapa-cute niya, hindi matatanggal ang katotohanang ito…Huwag po tayong papabola, huwag po tayong magpauto," wika ni Hontiveros.
Samantala, tumanggi si Guo na kumpirmahing siya si Guo Hua Ping.
"Can you finally confirm before this committee, kayo ba si Guo Hua Ping?" diretsahang tanong ni Hontiveros kay Guo sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, Setyembre 9.
Tugon naman ni Guo, "Madam chair, may mga kaso na po na finile po sa akin sa court kaya hindi ko po siya masagot sa inyo ngayon."
Inulit ni Hontiveros ang kanyang tanong kay Alice, "Ikaw ba si Guo Hua Ping?" Sagot naman ni Guo, "Hindi ko po kino-confirm at may kaso na po sa aking sinampa. Sasagutin ko po, sa korte po."
Nanindigan din siyang si Guo Jian Zhong ang kanyang ama pero itinanggi niyang ina ang Chinese passport holder na si Lin Wen Yi.
BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment