Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Huwebes na bihasa sa pagsasalita ng tagalog at Bisaya si Tony Yang na kinilala rin bilang sina Yang Jian Xin at Antonio Lim.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng PAOCC na si Dr. Winston Casio na marunong magsalita si Yang ng " bihasang Tagalog at kaunting Bisaya" nang tanungin tungkol sa sinasabing video ni Yang na nagsasalita sa mga awtoridad sa Tagalog nang siya ay arestuhin noong nakaraang linggo sa Maynila.
"Marunong po talaga siya. Hindi lang kasing tatas nung pag Pilipino, pero talagang marunong siyang mag-Tagalog at saka nakakaintindi. At maging ng Bisaya, marunong din nang kaunti," ani Casio sa isang radio interview.
Sa isang kamakailang pagdinig sa Senado, isang interpreter ang naroroon para kay Yang, ang panganay na kapatid ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang.
Nang tanungin kung hindi pa rin siya nakakapagsalita ng Filipino sa kabila ng pananatili sa bansa ng humigit-kumulang 26 na taon, sinabi ni Yang, "Tagalog, Bisaya, onti onti."
Sa parehong pagdinig, inamin ni Yang na siya ay isang Chinese citizen na ipinanganak sa China. Tinulungan daw siya ng kanyang lolo para makakuha ng birth certificate at ginawa ito para sa "convenience for business" sa Pilipinas.
Ayon kay Casio, may legal custody ang Bureau of Immigration (BI) kay Yang habang may physical custody naman ang PAOCC sa kanya.
Binigyang-diin ni Casio na ang mga dayuhan na sinampahan ng mga paglabag sa imigrasyon ay maaaring i-hold nang walang katapusan sa mga pasilidad ng bansa.
Sinabi ng BI na may nakabinbing deportation case si Yang dahil sa misrepresentation at undesirability sa bureau.
Samantala, sinabi ng Department of Justice na tinitingnan ng gobyerno na magsampa ng mga reklamo laban kay Yang dahil sa palsipikasyon at paggamit ng ilegal na alyas.
Sinabi ni Casio na titingnan din ng mga awtoridad ang mga umano'y link ni Yang sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment