Lantad ang layunin ni Marcos Jr. na baluktutin ang kasaysayan sa ilang beses nitong pagtatanggal at paglilipat ng petsa ng 'holidays' sa bansa na lubos na nakakaapekto hindi lamang sa kasaysayan, kundi maging sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.
Bago pa man ang Setyembre 21, araw ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni dating diktador Marcos Sr., pilit na binubura ng pamilyang Marcos ang madilim na yugto ng pasistang diktadura na kinatatangian ng malawakang paglabag sa karapatang pantao at pulitikal na panunupil na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nararanasan sa ilalim naman ng "Bagong Lipunan" ng kaniyang anak na si Marcos Jr.
Kamakailan lang rin, itinakda ng pangulo ang Proclamation No. 665 kung saan nakasaad ang paggunita ng Ninoy Aquino Day sa ika-23 ng Agosto ngayong taon (Biyernes), tatlong araw matapos ang orihinal nitong petsa upang magbigay daan sa 'long weekend'. Ito ay bahagi ng 'holiday economics' na layunin umanong pasiglahin ang turismo at maghatid pahinga sa mga trabahador.
Ayon kay House assistant minority leader at Gabriela party-list Rep. Arlene D. Brosas, ang inilalahad na ginhawa ng 'holiday economics' ay pantay na nararanasan ng mga manggagawa sa bansa sapagkat aniya'y ang kita ng mga 'no-work, no-pay workers' ay mas lalong nababawasan sa ganitong sitwasyon. "This will be a problem for workers who only receive their salaries on a daily basis because that would mean a deduction from their salary," saad ni Brosas.
Sang-ayon ang pahayag na ito sa iminungkahi ng National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan sa mga negatibong epekto ng long weekends para sa mga manggagawa na hindi nababayaran tuwing bakasyon.
"If they can't report to work, they suffer, especially in the private sector. It's not that simple. If we are permanent employees on a monthly basis, we are okay. So I think we have to consider that many people really want to work because they need it to make ends meet," aniya.
Sa Pilipinas, karaniwan sa 60% ng lakas-paggawa sa bansa ay nagmumula sa mga sektor ng konstruksyon at pagpapadala. Para sa kanila, kung hindi sila magtatrabaho sa isang araw, hindi sila mababayaran, at hindi rin makakakain ang kanilang mga pamilya.
'Holiday Economics' sa bansa
Ipinahayag ni House Ways and Means Committee chair Joey Salceda noong taong 2023, ang isang pagsusuri mula sa Philippine Statistics Authority na nagpapakita na ang mas mahahabang weekends dahil sa 'holiday economics' ay nagdadala ng 10% pagtaas sa domestic tourism at sa iba pang industriya ng bansa.
Dagdag pa rito, sinang-ayunan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at ng Federation of Philippine Industries (FPI) ang patakarang 'holiday economics' dahil ito raw ay naghahatid kita at trabaho sa mga negosyong lokal lalo na't sila ay labis na naapektuhan sa kasagsagan ng pandemya.
Ang Pilipinas ay may average na 27 holidays bawat taon, hindi pa kabilang ang mga lokal na holiday at mga suspensyon ng trabaho dulot ng kalamidad, na sinasabing karagdagang gastos lamang at problema sa iskedyul ang dulot ng mga holiday na ito, na nagiging hadlang sa operasyon ng mga negosyo at ekonomiya.
Ayon naman kay NEDA Secretary Balisacan, maaaring kailanganing i-benchmark ng Pilipinas ang bilang ng mga holiday nito laban sa ibang bansa sa Southeast Asia, sa kadahilanang maaaring makaapekto ito sa produktibidad at magbigay ng disincentives para mag-invest ang mga banyagang mamumuhunan sa bansa.
Subalit, para sa mga manggagawa, habang maaaring magdulot ng karagdagang trabaho sa bansa ang pagtaas ng turismo dahil sa ''holiday economics,' walang tiyak na proteksyon ang naka-alay para sa mga 'no-work, no-pay workers' mula sa abuso at siguradong oportunidad upang sila ay makakuha ng trabaho sa ganitong sitwasyon.
Ang 'holiday economics' ay isang patakarang unang ipinakilala noong taong 2001 sa panahong administrasyong Arroyo. Ilang taon matapos itong alisin, ito ay muling ibinabalik at isinusulong ng kasalukuyang pangulong Marcos Jr. simula noong maupo siya ng taong 2022.
Pagbabaluktot sa Kasaysayan
Sa usapang kasaysayan, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi raw dapat baguhin ang mga petsa ng mga pambansang pista opisyal sapagka't binabawasan nito ang kahulugan ng komemorasyon at nagiging bulnerable sa pagbabago ng historya.
Setyembre 21, 1972 nang pirmahan ni Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation No. 1081 na nagpatupad ng batas militar sa buong bansa. Sa ilalim ng rehimeng ito, milyun-milyong Pilipino ang nakaranas ng mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang arbitraryong pag-aresto, tortyur, sapilitang pagkawala, at pagpatay. Ngunit sa kabila ng mga malinaw na dokumentasyon at testimonya ng mga biktima ng Martial Law, pilit pa ring umuusbong ang mga hakbang upang baguhin o baluktutin ang katotohanan tungkol sa madilim na yugtong ito ng kasaysayan.
Ayon pa sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, dapat ituring ang Setyembre 21 bilang isang "araw ng pag-alala" upang ipakita ang kanilang matibay na paninindigan laban sa historical distortion at ang patuloy na paglaban sa nagpapatuloy na paniniil sa karapatan ng mamamayan.
"There is a reason why we commemorate historical dates like Aug. 21, especially since it holds deep meaning in our struggle against dictatorship," sabi ni Bayan secretary Renato Reyes. Idiniin din niya na tila mas higit na mahalaga kay Marcos Jr. ang extended vacation kaysa gunitain ang mga petsa na siyang mahalaga sa kasaysayan ng bansa.
Kung matatandaan sa unang bahagi ng taon, ang EDSA People Power na karaniwang idinidiwang tuwing ika-25 ng Pebrero ay itinanggal mula sa mga 'special holidays' ng bansa. Inaalala ang araw na ito upang kilalanin ang pagpapatalsik ng laksa-laksang mamamayan sa diktadurang Marcos Sr.
"Kahit anong gawing kasaysayang rebisyon, kahit saang angulo pa natin tignan ang batas na ito, at sa kahit anong pag-tatakip ng katotohanan ang gawin ng diktaduryang Marcos, hinding-hindi nito mabubura ang mga krimen at panghuhumigpit na nagawa sa mga inosenteng tao noong idineklara ang Martial Law," pahayag ng Kabataan Partylist PUP.
Kristel Jane Amada
No comments:
Post a Comment