Nanindigan si dating Labor Secretary at ngayon ay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chief Silvestre Bello III na hindi siya aalis sa puwesto maliban kung ipag-utos ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr.
"Nabalitaan ko nga pero wala pa kasing utos ng Pangulo. Hinihintay ko pa nga," wika ni Bello sa isang radio interview.
Nitong nakaraang araw ay sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na ang pinalitan niyang si dating secretary Cheloy Garafil ay itatalaga umano ni Marcos sa MECO at si Bello ay hahanapan naman ng ibang puwesto.
Pero ayon kay Bello, wala siyang idea na may ibang puwestong iaalok sa kanya si Marcos.
Dahil sa 'One-China' policy, ang MECO ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan. Ang trabaho nito ay katulad ng Philippine foreign missions pero non-political, non-security nature subalit may consular function.
Si Bello ay naging kalihim ng Department of Justice (DOJ) noong Cory Aquino administration at naging Solicitor General at DOJ secretary muli noong Ramos¬ administration.
Nagsilbi naman itong Labor secretary sa ilalim ng Duterte administration. Nang mana¬lo si Pangulong Marcos noong 2022 elections, itinalaga si Bello sa MECO.
Si Garafil naman ay unang pinuwesto bilang chair ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pero dahil sa pagiging dating journalist, inilipat siya sa PCO.
BECCA DANTES – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment