Isang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) at mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatanggap diumano ng suhol para makatakas sa bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa nitong mga kasama.
Ito ang ibinunyag ni Retired Gen. Raul Villanueva, Senior Vice President ng PAGCOR Security and Monitoring Cluster sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women kaugnay ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO).
"Itanong ko rin itong parehong tanong kay General Villanueva, kapani-paniwala ba 'yang ganyang impormasyon na mayroon daw mataas na BI official na tumanggap ng 200 million para patakasin si Guo Hua Ping?" tanong ni Senadora Risa Hontiveros, chair ng komite kay Villanueva.
Sagot naman ni Villanueva, hindi pa nila makumpirma ang impormasyon at vina-validate pa nila ito hanggang ngayon.
"We haven't confirmed yet kung talagang may mga usap-usapan po within the intelligence community. Pero wala pa pong confirmation ma'am kung may mga witnesses na mayroon talagang nabigyan. But yan ang usap-usapan ngayon. They're still validating it," saad ni Villanueva.
Nang tanungin muli ni Hontiveros kung sino pang personalidad ang posibleng sinuhulan ng kampo ni Guo para sa kanilang pagtakas, sinabi ni Villanueva na isang itong dating chief ng PNP.
"May pinag-uusapan na yung sa border immigration. Hindi ko lang alam, ma'am, yung exact amount, including PNP officials. Pero hindi ko pa rin ma-confirm yun, ma'am. Kasi, I'm outside of the loop lately, ma'am," ani Villanueva.
"Hindi PNP unit, ma'am, eh, but personalities.,,,I think it was mentioned the former chief PNP," dagdag niya.
Hindi naman pinangalan ni Villanueva kung sino ang sinasabing niyang dating PNP chief. "I don't know, ma'am, but former chief PNP daw."
"I don't know the exact kung anong pin-provide na support. But yun lang naman nabanggit sa amin… But hindi pa na-confirm yan, ma'am, kung talagang nagbigay or binigyan or tinanggap or may witnesses. Yun lang po ang naririnig namin within the intelligence community But I'm out of the loop po kasi lately mam eh. Hindi ko din ma-confirm yan mam," sambit pa ni Villanueva.
Tanong pa ni Hontiveros, "Kasama din ba sa usap-usapan na itong alleged former chief PNP ay tinulungan ng kahit sino sa mga kasalukuyang government officials natin sa usapin ng pagtakas ni Guo Hua Ping?
Sagot naman ni Villanueva, "Ang parang usapan dun ma'am parang yung parang nasa payroll, yung monthly payroll ever since":.
Nang tanungin naman ni Hontiveros ang BI tungkol sa P200 milyong suhol, sinabi ni Fortunato Manahan Jr., chief ng Intelligence Division ng ahensiya, na iniimbestigahan pa rin nila ito hanggang ngayon.
"Doon sa amount po na 200 million, nakakuha po tayo ng intelligence information with regard to the amount, pero po with regard to dun sa tumanggap ko ng… that amount na isang BI personnel or associated sa BI, wala pa ho pero we're still validating, we're part of the investigation," ayon kay Manahan.
Samantala, sinabi naman ni Brig. General Raul Tacaca, Deputy Director for Administration ng PNP-CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) na wala pa silang ulat tungkol sa nasuhulan na personnel kaugnay ng pagtakas ng grupo ni Guo.
"For the part po ng PNP, so far po wala po kaming report with regards po kung may mga nasuhulan na PNP personnel," ani Tacaca.
"But despite of that po ay yung aming intelligence community ay tuloy tuloy po ang kanilang pag-coordinate sa ibang agencies para malaman kung may mga PNP personnel na involved din, we will file the necessary case po kung may mga evidence po aming makukuha," dagdag pa niya.
Sa panig naman naman ng NBI, sinabi ni Assistant Director Atty. Lito Magno na patuloy ang kanilang pagsisiyasat kaugnay ng sinasabing suhol ng kampo ni Guo sa mga opisyal ng gobyerno.
"Lahat po yan ay tinitingnan po natin. But at this moment, we cannot comment on the investigation and intelligence gathering that we are conducting. Since sa binubuo po naming pag-backtrack at pag-iimbestiga ay kasama po naming tinitingnan niya," ani Magno.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment