Nilapitan ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang isang Filipino-Chinese upang tulungan siyang malusutan ang mga problema kaugnay sa pagkakadawit nito sa illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanilang bayan.
Ang alok umano ni Guo: P1 bilyon para luba¬yan siya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Nalaman ni dating Senador Panfilo Lacson ang offer na ito dahil nagkataon na kaibigan niya ang Filipino-Chinese na nilapitan ni Guo.
"Noong medyo ipit na ipit na at nagtatago na yata, medyo kumontak sa kanya through a common friend siguro at ang sabi sa kanya kung mailalapit niya si ¬Alice Guo sa kanyang contact," pagsiwalat ni Lacson sa interview ng Radyo 630 nitong Miyerkoles.
"Sabi niya, ang offer daw na pera ay P1 billion basta't matulungan lang daw siya," dagdag pa niya.
Nilinaw ni Lacson na ang P1 bilyong alok ni Guo ay para malusutan ang problema nito sa PAOCC at hindi sa pagtakas nito sa Pilipinas noong Hulyo.
Ayaw sanang maniwala ni Lacson sa binida ng kanyang kaibigan pero naglabas ito ng larawan noong mag-meeting umano silang dalawa.
Ang Filipino-Chinese businessman aniya, ay walang koneksiyon sa industriya ng POGO, pero may mga transaksiyon sa China. May koneksi-yon din umano ito sa mga personalidad na dikit sa First Family.
"Ito, may mga connections din ito, not directly with the First Family, meron siyang sinasabi within the circle ng First Family," ani Lacson tungkol sa Filipino-Chinese.
Nang tanungin sa interview kung posibleng pansuhol sa First Family ang alok ni Guo para mapalapit ito sa Presidente, sinabi ni Lacson na posible rin ito.
"Yes, kung susundan natin at papaniwalaan natin 'yung kuwento ng Filipino-Chinese na trader. Ganun kalaki ang offer eh," ani Lacson.
Aniya, kung kaya ni Guo na magbayad ng P1 bilyon, hindi imposible na masuhulan niya ang korte para ma-dismiss ang kanyang mga kaso.
Sinampahan ng PAOCC si Guo ng qualified human trafficking, money laundering at tax evasion. Habang ang Comelec naman ay naghain ng material misrepresentation at ang Solicitor General ay quo warranto petition naman.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment