Posibleng managot sa kasong graft si Vice President Sara Duterte kapag nabigo itong maipaliwanag na ginasta ng maayos ang P73.2 milyong intelligence expenses na hindi pinahihintulutan ng Commission on Audit (COA) at P12.3 bilyon sa kahalintulad na 'disallowances at suspensiyon' sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) noong 2023.
Ito ang inihayag ni House Majority Leader Manuel Jose "Mannix" Dalipe na hinikayat ang COA na gumawa ng pinal na report sa lalong madaling panahon hinggil sa kuwestiyonableng disbursement gayundin ang mga rekomendasyon sa isyung ito.
"More than just allegations of mismanagement, she may be held liable for graft, for possible violation of the anti-graft laws, if she cannot adequately explain and justify the adverse findings, and if the COA does not accept her explanations and justifications," paliwanag ni Dalipe.
Una nang sinita ng COA si VP Duterte na ipinasosoli ang P73.2 milyong 'disallowed" mula sa paggasta nito ng P125 milyong intelligence funds na ginamit sa loob ng 11 araw o P11.36 milyon kada araw.
Pinababayaran din ng COA kay Sara at iba pang mga opisyal ng DepEd ang P12.3 bilyong gastusin na walang legalidad ang paggamit.
Sa audit report ng COA sa P125-M intelligence fund ng OVP, nasilip ang mga iregularidad kabilang ang late na pagsusumite ng liquidation reports, notarization dates, kabiguang magsumite ng accomplishmet reports sa takdang palugit.
Higit umanong nakakabahala ang hindi maipaliwanag na dissalowance na mahigit sa kalahati sa confidential funds na ginamit ng OVP noong 2022.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment