Kakasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang mga kawani o opisyal ng gobyerno na binayaran diumano ng P200 milyon para sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasama ang sinasabing mga kapatid na sina Sheila at Wesley Guo, at si Katherine Cassandra Li Ong.
Lumutang ang P200 milyong suhol umano para patakasin ang grupo ni Guo sa pagdinig ng Senado.
Ayon sa DOJ, iimbestigahan nito ang sinasabi ni Sheila na P200 milyong suhol upang hindi matunugan ng Bureau of Immigration at iba pang mga law enforcement agency ang kanilang pag-eskapo.
Tiniyak ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na may ilang indibiduwal ang mahaharap sa administrative at criminal cases.
"Hindi namin tinutukoy ang Bureau of Immigration. Basta kung sino man na law enforcement na nagkaroon ng pagkakamali, or worse, nakipagsabwatan o anuman, hindi nila ginampanan ang kanilang trabaho, ay mananagot sila after the investigation," sabi ni Vasquez sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Agosto 31.
Bukod sa sinasabing P200 milyong suhol, patuloy pa rin aniya na iniimbestigahan nila ang mga testimonya ni Sheila na hindi kapani-paniwala.
"Kaya kung tutuusin mo, kailangan namin law enforcement agency na i-verify kung tama ba o hindi 'yung sinasabi ni Shiela na paraan kung paano sila umalis, that's for one," ani Vasquez.
Binigyang-diin ni Vasquez na hindi pa sarado ang imbestigasyon sa pagtakas ng mga Guo dahil sa mga nakitang butas sa testimonya ni Sheila.
"Tuloy pa ho. Hintayin niyo yung susunod na kabanata sa bagay na iyan. The investigation] continues," dagdag pa ng opisyal.
ATTY EDNA DEL MORAL
No comments:
Post a Comment