Uminit ang ulo ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa akusasyon na isa itong Chinese spy at tumanggap ng pera mula sa isang espiya para pondohan ang kanyang pagtakbo noong eleksiyon.
Sa ikapitong pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes, ipinakita ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario ang isang video documentary ng foreign news outlet na Al Jazeera tungkol sa Chinese spy na si She Zhijang.
Sa video, sinabi ni She Zhijang na nagpadala ito ng pera kay Guo Hua Ping, ang umano'y Chinese name ni Guo, upang pondohan ang kampanya nito sa Pilipinas.
Batay sa video, sinabi ni Almario na si Guo ay ipinanganak sa Fujian, China taliwas sa sinasabi nito na siya ay isang Pilipino.
"Your Honor, 'yung She Zhijang na sinasabi niyo po, 'yon ba 'yong pinakita niyo po kanina sa akin sa picture? Hindi ko po siya kilala at sana po, your Honor, Mr. Chair, makuha ko rin po 'yong details gusto ko pong magdemanda, hindi ko po sila kilala," sagot ni Guo.
Sinabi ni Almario na si She Zhiang ay nakakulong sa Thailand.
"Your Honor, unfair naman po para sa akin, hindi ko po siya kilala at never po ako humingi ng campaign funds entirely.
Never po ako humingi ng campaign fund during my campaign period, and 'yong video na pinakita ni Congressman Cheeno kanina, hindi ko po siya kilala at gusto ko rin po iparating sa lahat ng mga kababayan ko at buong Pilipinas na rin po, mahal ko po ang Pilipinas," giit ni Guo.
Samantala, ipinunto naman ni PBA Party-list Rep. Margarita Nograles na walang mapapala si She Zhijang sa pagturo nito kay Guo.
"Your Honor, I think it's better for you to ask him kasi siya po 'yong naglabas ng video¬ so siya po ang nakakaalam kung ano ang makakapag-benefit sa kanya, definitely hindi po ako spy," litanya ni Guo.
"Okay, relax ka lang […] bakit ka galit?" sabi naman ni Nograles.
Tugon naman ni Guo, "Galit po ako eh, kasi po ganito rin 'yong nangyari last time, sinasabi po nila spy ako, mahal ko po ang Pilipinas, Filipino po ako, hindi po ako spy."
"Relax ka lang, you don't have to be so riled up if you know the truth, right?" sabi ni Nograles kay Guo.
Si Guo ay inaakusahan na gumamit ng pekeng mga dokumento upang palabasin na siya ay isang Pilipino.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment