Naglabas ng kautusan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na mahigpit na ipatupad ng Manila Police District (MPD) ang "The Public Assembly Act of 1985" sa lungsod ng Maynila matapos ang naganap na May 9, 2022 national at local elections.
Sa ibinabang memorandum na nilagdaan ni Domagoso, nakasaad na mahigpit nitong iniutos sa MPD, na pinamumunuan ni District Director B/Gen. Leo Francisco, mga station commanders at mga barangay officials ang pagpapatupad sa probisyon ng Batas Pambansa 880 o kilala bilang "The Public Assembly Act of 1985′ sa kanilang mga nasasakupan.
Sa kanyang special report nitong Miyerkules, sinabi ni Domagoso na pinayagan lamang nito ang "no permit policy" nitong panahon ng kampanya upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng kandidato na makapangampanya at makapamili ng kung sino ang iboboto ng mga botante.
Giit nito, inilabas ang nasabing kautusan dahil tapos na ang panahon ng pangangampanya at nais ng Alkalde na walang mangyayaring kaguluhan sa lahat ng lansangan sa Maynila na maaaring magdulot ng trapiko.
"Tapos na ang kampanya, nagdesisyon na ang mga tao, now we have to put things in right order dahil ang gusto ko makapasok kayo ng trabaho ng hindi male-late dahil sa kaguluhan sa kalsada," ani Domagoso.
Dagdag pa niya na obligasyon niyang maging ligtas ang lahat at makapaghanapbuhay, makahanap ng trabaho, makapasok sa eskuwela ng matiwasay at maaliwalas.
Ayon pa kay Domagoso, kailangang mailagay sa tamang perspektibo ang mga bagay-bagay upang maging panatag ang pamumuhay ng bawat Manilenyo.
Ang ibinabang memorandum ng alkalde ay kasunod na rin ng mga posibleng pagdadaos ng kilos protesta o rally ng ilang mga grupo matapos ang naganap na national at local elections.
HAZEL HEDI – HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment