Itinulak ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto ang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang kabataan elections at ilipat ang pondo nito sa prayoridad na programa ng Department of Agriculture (DA).
Sa kanyang House Bill No. 2185, sinabi ni Recto na aabot sa P8.4 bilyong pondo ang matitipid sa pagpapaliban ng barangay at SK elections na nakatakdang gawin sa Disyembre 2022.
Ipinanukala ng kongresista na ilipat ang halalan sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024.
Ayon kay Recto, inilunsad ng DA ang Plant, Plant, Plant program noong Abril 2020 upang paramihin ang produksyon ng pagkain sa bansa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Nakatanggap umano ito ng P31 bilyon.
Noong Marso 2022, inilunsad ng DA ang part 2 ng programa upang tugunan ang problema sa suplay ng pagkain dulot ng Russia-Ukraine crisis.
Sinabi in Recto na hindi sapat ang pondo na nakuha ng DA upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa at matugunan ang nakaambang food crisis.
"With a tight fiscal space, setting the priority programs and projects of the government is very difficult. Therefore, the savings to be generated… from the postponement of the December 2022 BSKE would significantly contribute in funding the priority programs of the DA to ensure food security and sufficiency for the 109 million Filipinos," sabi ni Recto sa panukala.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment