May 21 biktima umano ng sex trade ang nasagip nang salakayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang prostitution den sa Bayombong, Nueva Vizcaya nitong Linggo.
Ayon kay NBI Bayombong district office head agent Virgilio Reganit, nagtatrabaho ang mga biktima bilang guest relations officer (GRO) sa Sunrise Videoke Bar sa Barangay Sta. Rosa ng nasabing bayan, at binabayaran umano ang mga ito ng mula P1,000 hanggang P3,000 para makipag-sex sa kanilang kostumer.
Arestado sa nasabing pagsalakay sina Evangeline Torres-Escalante, 43, at Analyn Estabillo-Torres, 45, mga manager ng bar habang wala sa lugar ang may-ari nito na si Christopher Jun Domingo, 38-anyos.
Nauna rito'y nagsagawa muna ng surveillance operation ang NBI at saka ikinasa ang pagsalakay nang makumpirma nila na nag-aalok ng 'sex service' ang mga bugaw sa mga kustomer ng bar.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 92080 o 'Anti-Trafficking in Persons Act of 2003' sa Provincial Prosecutors Office ng Nueva Vizcaya si Domingo at ang dalawang naaresto.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment